Sunday, November 13, 2011

Lunes - Nobyembre 14, 2011 Ika-33 na Ordinaryong Linggo

Lunes - Nobyembre 14, 2011      Ika-33 na Ordinaryong Linggo


Unang Pagbasa                          1 Macabeo 1: 10-63

Si Antioco Epifanes at ang mga Taksil na Judio
               10 Sa lahi ng mga ito'y may lumitaw na masamang hari. Ito'y si Antioco Epifanes, na anak ni Haring Antioco III ng Siria. Siya'y isa lamang bihag sa Roma bago siya naging hari ng Siria. Nagsimula siyang maghari nang taong 137.
               11 Noong kapanahunan ni Antioco Epifanes, may lumitaw sa Israel na masasamang Judio na ayaw sumunod sa Kautusan, at inaakit pa ang mga mamamayan na makipagkasundo sa mga Hentil sa palibot nila. "Makipagkasundo na tayo sa kanila; wala naman tayong napapala sa hindi pakikipagkasundo kundi pawang kapahamakan," pang-aakit nila. 12 Ang ganitong panukala ay nagustuhan ng marami 13 at ang ilan sa kanila'y agad nagpunta sa hari upang humingi ng pahintulot na sumunod sa mga tuntunin ng mga bansang dayuhan. Pumayag naman ang hari. 14 Nagtayo sila ng isang malaking palaruan sa Jerusalem, tulad ng nasa mga lunsod ng mga Griego. 15 Gumawa sila ng paraan upang maalis ang bakas ng kanilang pagiging tuli, at pati ang banal na kasunduan ay kanilang tinalikuran. Nakiisa sila sa mga Hentil at ginawa nila ang lahat ng uri ng masasamang gawain.
Nilusob ni Antioco ang Egipto
               16 Nang matatag na ang kanyang kaharian, hinangad ni Antioco na sakupin din ang Egipto.17 Naghanda siya ng isang malakas na hukbo na binubuo ng mga karwahe, elepante, kabayo at mga sasakyang pandagat. Matapos mabuo ito, lumusob siya. 18 Nakasagupa niya si Haring Tolomeo ng Egipto, at nang makita ni Tolomeo ang hukbo ni Antioco, umatras ito at tumakas. Marami sa mga tauhan nito ang nasugatan at napatay. 19 Dahil dito, lahat ng napapaderang lunsod ng Egipto ay nasakop ni Antioco at ang buong bansa ay nawasak.
               20 Ang Egipto ay nasakop ni Antioco nang taong 143. Pagbalik niya, ang hinarap naman ay ang Israel at Jerusalem. Isa ring malakas na hukbo ang ginamit niya sa paglusob dito. 21Nagtagumpay rin siya at pagdating sa Jerusalem ay buong kayabangang pinasok ang Templo. Kinuha niya ang gintong altar at ang ilawan, at ang lahat ng kagamitan dito. 22 Kinuha rin niya ang hapag na pinaghahandugan ng tinapay para sa Panginoon, ang mga kopang pinaglalagyan ng handog na inumin, ang mga mangkok at ang gintong sunugan ng insenso. Inalis niya ang kurtina, ang mga korona at lahat ng palamuting ginto sa harap ng Templo, at walang itinirang anumang mahalaga. 23 Kinuha niya ang lahat ng mamahaling kasangkapan, lahat ng ginto at pilak; pati ang mga nakatagong kayamanan ay tinangay rin. 24 Lahat ng ito ay iniuwi niya sa kanyang bayan. Marami siyang ipinapatay at ito ay ipinagmalaki pa niya.
25 Bawat isa sa Israel ay nagdalamhati;
26 ang mga pinuno doon ay nagsitangis.
Nawalan na ng sigla ang mga binata't dalaga;
ganda ng kababaihan ay kumupas na.
27 Ang lalaking ikakasal, panaghoy ang inaawit,
ang dalaga nama'y tumatangis sa kanyang silid.
28 Ang buong bayan ay nayanig, at ang Israel ay nanliit.
Dahil sa kahihiyang kanilang sinapit.
               29 Pagkalipas ng dalawang taon, ang hari ay nagsugo ng isang mataas na pinunong tagalikom ng buwis sa mga bayan ng Judea. Dumating ito sa Jerusalem na may kasamang isang malaking hukbo. 30 Sa pamamagitan ng panlilinlang, napapaniwala niya ang mga tao na ang dala niya'y kapayapaan. Ngunit nang makuha na niya ang kanilang tiwala, bigla niyang sinalakay ang lunsod, at marami ang napatay sa Israel. 31 Sinamsam niya ang ari-arian ng mga tao at tinupok ang lunsod. Winasak niya ang mga bahay at mga pader nito. 32 Binihag niya ang mga babae at mga bata. Inagaw din niya ang kanilang mga kawan.
               33 Ang lunsod ni David ay ipinagawa nilang tanggulan---pinataas ang mga tore at pader nito at lalong pinatibay. 34 Ginawa nilang pinuno roon ang masasamang tao, ang mga nagtaksil na Judio. Ito ang lalong nagpalakas sa kanilang kalagayan. 35 Ginawa rin itong imbakan ng mga sandata't pagkain, at ng mga kagamitang nasamsam nila sa Jerusalem. Ang tanggulan ay kinatakutan ng lahat sa bayan.
36 Mula roo'y nagmamasid sila sa mga dumaraan,
kaya't sa Templo sila'y kinatatakutan,
at sa Israel ay malaking kapinsalaan.
37 At sa Templong dalanginan,
ang mga sumasamba'y pinapaslang kahit walang kasalanan,
at ang dambana'y nilapastangan nitong mga makasalanan.
38 Mga mamamayan nitong lunsod ay tumakas dahil sa takot,
at mga dayuhan ang dito'y nanirahan nang lubos;
at ang lunsod ng Jerusalem ay naging dayuhan,
sa mga anak niyang sa kanya'y nang-iwan.
39 Dakong Kabanal-banalan parang disyerto sa panglaw,
naparam ang kapistahan, naging lungkot at kahihiyan.
Ang Araw ng Pamamahinga ay hindi na iginagalang,
ang dating karangalan, ngayo'y naging kahihiyan.
40 Kung ano ang dating ganda, siya ngayong pagkaaba;
kung ano ang dating galak, ngayo'y luksang alaala.
Ipinagbawal ang Relihiyon
               41 Ang hari ay nagpalabas ng isang kautusan para sa buong imperyo. Iniutos niyang maging iisa ang tuntunin sa bansa, 42 kaya't ipinagbawal niya ang dating kautusan at ang relihiyon. Lahat ng Hentil ay sumang-ayon 43 at marami ring Israelita ang sumunod sa relihiyon ng hari. Naghandog din sila sa mga diyus-diyosan at nilabag ang Araw ng Pamamahinga.
               44 Kaugnay nito, nagpahatid ang hari ng liham sa Jerusalem at sa mga bayan ng Judea. Dito'y iniutos niyang ang dapat sundin ay ang kaugalian ng mga banyaga sa lupain. 45 Ipinagbawal niya ang paghahain ng mga handog na susunugin at handog na pagkain sa Templo. Iniutos niyang huwag nang pahalagahan ang Araw ng Pamamahinga at ang mga takdang kapistahan. 46 Iniutos din niyang huwag nang igagalang ang Templo at ang mga pari. 47 Sa halip, mga baboy at iba pang maruruming hayop ang kanilang ihahandog, at dapat ang itatayo nila'y mga templo at mga altar ng pagano. 48 Ipinagbawal din niya ang pagtutuli sa mga batang lalaki. Dapat nilang gawing kasuklam-suklam ang kanilang sarili. 49 Sa ganitong paraan, malilimutan nila ang utos ng Diyos at ang dati nilang kaugalian. 50 Binantaan pa niyang ang sinumang lumabag sa utos ng hari ay papatayin.
               51 Ganun nga ang sulat na ipinadala ng hari sa lahat ng kanyang nasasakupan. Naglagay siya ng mga espiya, at iniutos na hali-haliling maghandog ang lahat ng lunsod ng Judea. 52 Marami nga ang lumimot sa kautusan at nakiisa sa paggawa ng kasamaan sa lupain. 53 Ang mga tapat na Israelita ay nagtago sa lahat ng pook na maaari nilang mapuntahan.
               54 Nang taong 145, ikalabing limang araw ng ikasiyam na buwan, si Haring Antioco ay nagpagawa ng rebultong tinatawag na "Kalapastanganang Walang Kapantay" sa altar na pinagsusunugan ng mga handog. Nagpatayo rin siya ng mga altar ng pagano sa lahat ng lunsod sa palibot ng Judea. 55 Kahit sa mga harap ng bahay at mga lansangan, ang mga tao ay pinagsusunog ng insenso. 56 Lahat ng makitang mga balumbon ng Kautusan ng Diyos ay sinira at sinunog, 57 at ang sinumang mahuling nagtataglay ng balumbon ng tipan o sumusunod sa Kautusan ay ipinapapatay. 58 Ganito nila pinahihirapan ang mga Israelita na nahuhuli sa mga lunsod sa bawat buwan. 59 Tuwing sasapit ang ikadalawampu't limang araw ng bawat buwan, naghahandog sila sa altar na itinayo sa dating pinaghahandugan ng mga Israelita. 60 Ang mga ina ng mga batang tinuli ay pinapatay ayon sa utos ng hari. 61 Ang mga batang tinuli ay tinatalian at isinasabit sa leeg ng kanilang mga ina. Pati mga kamag-anak ng mga batang ito at ang gumanap ng pagtutuli ay pinapatay rin. 62 Sa kabila ng lahat ng ito, marami pa ring mga Israelita ang nanatiling tapat at hindi kumain ng anumang pagkaing marumi. 63 Matamis pa sa kanila ang mamatay kaysa maging marumi dahil sa pagkain ng mga hindi ipinahihintulot ng kautusan o kaya'y sumuway sa banal na kasunduan. Marami nga ang namatay sa kanila.

Salmo                                       Awit 119: 53-158

53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.
Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh
(Kheth)
57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Yod)
73 Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan;
bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.
74 Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita,
matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa.
75 Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas,
kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat.
76 Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos,
katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
77 Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay,
ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan.
78 Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain,
sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim.
79 Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot,
maging yaong mga tao na alam ang iyong utos.
80 Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan,
upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Kap)
81 Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas;
lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
82 Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin,
ito ngayon ang tanong ko: "Kailan mo aaliwin?"
83 Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad,
gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas.
84 Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay,
sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway?
85 Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin,
nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin.
86 Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang,
sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan!
87 Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay,
ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan.
88 Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin,
at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin.
Pananampalataya sa Kautusan ni Yahweh
(Lamedh)
89 Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
90 Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago;
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
91 Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
92 Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,
namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.
93 Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,
pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
94 Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,
ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
95 Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
96 Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,
ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.
Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh
(Mem)
97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.
Kaliwanagan Mula sa Kautusan ni Yahweh
(Nun)
105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107 Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112 Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh
(Samek)
113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Ayin)
121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong abang lingkod,
upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.
Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh
(Pe)
129 Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo;
lahat aking iingata't susundin nang buong puso.
130 Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
131 Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
na matamo yaong aking minimithing kautusan.
132 Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin,
at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin.
133 Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang
mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.
134 Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,
iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
135 Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
136 Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Tsade)
137 Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142 Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Qof)
145 Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;
ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
146 Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,
iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.
147 Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,
sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.
148 Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,
at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.
149 Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,
iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.
150 Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,
mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid.
151 Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko,
ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.
152 Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,
ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos.
Panalangin Upang Maligtas
(Resh)
153 Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan,
pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan.
154 Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin,
dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.
155 Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,
dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.
156 Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay,
kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan.
157 Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin,
ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin.
158 Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan,
yaong mga taong taksil na laban sa kautusan.

Ebanghelyo (Gospel)                      Lucas 18: 35-43

Pinagaling ang Lalaking Bulag
               35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico; may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari.
               37 "Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret," sabi nila sa kanya.
               38 At siya'y sumigaw, "Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!" 39 Pinapatigil siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, "Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!"
               40 Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41"Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?" "Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli," sagot niya.
               42 At sinabi ni Jesus, "Mangyayari ang nais mo! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya."
               43 Noon di'y nakakita ang bulag at sumunod kay Jesus na nagpuri sa Diyos. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos.

ShareThis

Blogs commenting Fr. Jessie's post Technorati icon

No comments:

Post a Comment