Sabado - Nobyembre 12, 2011,ka-32 na Ordinaryong Linggo (Josefat)

Sabado - Nobyembre 12, 2011      Ika-32 na Ordinaryong Linggo (Josefat)


Unang Pagbasa              Karunungan ni Solomon 18:14–19:9

14 Payapa at tahimik ang lahat,

nangangalahati na ang gabi,

15 walang anu-ano'y bumaba ang makapangyarihan mong mga salita,

mula sa iyong maharlikang trono sa langit,
pumagitna sa lupaing iyon na itinalaga mong wasakin
gaya ng mabagsik na mandirigma.

16 Taglay niya ang matalim na tabak ng iyong mga utos.

Tumayo siya, ang ulo niya'y abot sa langit,
at pinalaganap ang kamatayan sa buong lupain.

17 Walang anu-ano, nakakita sila ng nakakatakot na mga mukha,

at sila'y pinagharian ng takot.

18 Kabi-kabila ay may nabubuwal na naghihingalo.

Bawat isa'y nagsasabi kung bakit siya namamatay.

19 Ipinagpauna ito sa kanila

sa pamamagitan ng isang nakakatakot na panaginip,
upang bago sila mamatay ay malaman nila ang dahilan.

Iniligtas ang mga Israelita
20 Ang mga matuwid man

ay nakaranas din ng kamatayan sa kanilang paglalakbay sa ilang,
ngunit hindi iyon nagtagal at tumigil.

21 Isang taong walang kasalanan ang nagligtas sa kanila noon.

Ginawa niya ang nararapat niyang gawin bilang pari.
Nanalangin siya at nagsunog ng insenso.
Nanindigan siya sa harap ng iyong poot.
Ipinakilala niyang siya ay iyong lingkod.

22 Nagtagumpay siya sa poot na iyon, 

hindi sa pamamagitan ng lakas
kundi sa pamamagitan ng panalangin,
at pagbanggit sa iyong mga pangako sa kanilang mga ninuno.

23 Nang nakabunton na ang mga patay, namagitan na siya,

at napigil niya ang galit ng Diyos,
at tumigil ang salot.

24 Sa mahaba niyang balabal ay nakalarawan ang buong daigdig.

Ang alaala ng kanilang mga ninuno
ay nakaukit sa apat na hilera ng mamahaling bato,
at ang iyong karangalan ay nasa korona sa kanyang ulo.

25 Dahil sa mga ito, napahinuhod ang Anghel ng Kamatayan. 

At ang karanasang iyon ay sapat na upang matakot ang bayan mo.
Hindi na kailangang danasin nila ang buong bigat ng galit mo.

Ang Pagkamatay ng mga Taga-Egipto
1 Ngunit ang mga taong di kumikilala sa iyo

ay walang awa mong inuusig hanggang wakas,
pagkat alam mo ang gagawin nila bago pa ito mangyari.

2 Pinayagan nga nilang umalis ang iyong bayan,

ngunit pagkatapos ay hinabol din nila.

3 Nagluluksa pa sila sa libingan ng kanilang mga mahal sa buhay,

ay may iniisip na naman silang kasamaan.
Hinabol nilang parang mga takas na bilanggo
ang mga taong pinakiusapan nilang umalis.

4 Ang kasawiang nakatalaga sa kanila

ang nagtulak sa kanila na iyon ay gawin.
Nalimutan nila ang nangyari
kaya nalubos ang parusa sa kanila.

5 Sa gayon, nakapagpatuloy ang bayan mo sa kanilang paglalakbay,

samantalang ang mga kaaway nila ay inabot ng kamatayang walang katulad.

Pinapatnubayan at Kinakalinga ng Diyos ang Kanyang mga Anak
6 Ang sangnilikha ay dumanas ng pagbabago

upang masunod ang iyong kalooban,
at mailigtas ang iyong bayan.

7 Ang ulap ay lumukob sa kanilang kampamento,

ang tubig ay nahawi at lumitaw ang tuyong lupa,
isang malinis na landas sa gitna ng Dagat na Pula,
at luntiang kapatagan mula sa naglalakihang mga alon.

8 Ang bayan mo ay nakatawid na lahat,

sa ilalim ng iyong pagkalinga,
matapos masdan ang iyong kamangha-manghang gawa.

9 Tulad nila'y mga kabayo sa sariwang pastulan,

parang mga tupang naglulundagan sa tuwa sa pagpupuri sa iyo,
O Panginoon, sapagkat iniligtas mo sila.

Salmo                                         Awit 105: 2-43

2 Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,

ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.

3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,

ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.

4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,

siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.

5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,

ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.

6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,

gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.

7 Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,

sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.

8 Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,

ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.

9 Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,

at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;

10 sa harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,

para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.

11 Sinabi ng Diyos, "Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,

bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana."

12 Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami,

kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili.

13 Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat,

kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak.

14 Sinuman ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin,

ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin.

15 Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang,

ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan.

16 Sa lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating

itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.

17 Subalit ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,

tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;

18 mga paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,

pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.

19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh, na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,

pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.

21 Doon sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,

sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.

22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,

siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.

23 Sa bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,

sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.

24 Ginawa ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,

pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.

25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,

ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.

26 Saka inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,

sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.

27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,

sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.

28 Ang isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,

ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.

29 Ang ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,

pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.

30 Napuno ng mga palakang kay rami ang buong lupain,

maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.

31 Sa utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,

sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.

32 Sa halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,

ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.

33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,

ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.

34 Isang utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,

langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.

35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,

sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.

36 Ang mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,

kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.

37 Pagkatapos nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,

malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.

38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,

pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.

39 Ang naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,

at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.

40 Nang sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,

at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.

41 Sa bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,

pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.

42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,

ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.

43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,

nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.

Ebanghelyo (Gospel)                         Lucas 18: 1-8

Ang Biyuda at ang Hukom
               1 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, "Sa isang lunsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lunsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, 'Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.' 4Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, 'Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.'" 6 At nagpatuloy ang Panginoon, "Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. 7 Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita pa kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?"

Share

Comments