Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28




Pagbasa mula sa aklat ng Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28

Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito’y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas. Dinamdam ito ng kanyang mga kapatid at ayaw nilang pakisamahang mabuti si Jose.

Nasa Siquem ang mga kapatid ni Jose at doon inaalagaan ang kawan ng kanilang ama. Sinabi ni Israel, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.” Sumunod si Jose at natagpuan ang mga kapatid sa Dotan. Malayo pa siya’y natanaw na ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. Sinabi nila, “Ayan na ang mapanaginipin! Patayin natin at ihulog sa balon, at sabihing sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”

Narinig ito ni Ruben at binalak na iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid. Paglapit ni Jose, hinubdan nila ito at ihinulog sa isang tuyong balon.

Habang sila’y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Galaad. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango sa dadalhin sa Egipto. Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung patayin natin ang ating kapatid. Mabuti pa’y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya’y kapatid din natin: laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila’y nagkasundo. Nang malapit na ang mga mangangalakal, iniahon nila si Jose at ipinagbilil sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose’y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.

Share

Comments