Huwebes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 8, 1b-7. 11-13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, alam nating “may kaalaman tayong lahat.” Ang gayong “kaalaman” ay nagbubunsod sa tao upang magpalalo, ngunit ang pag-ibig ay nakapagpapatibay. Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. Ngunit kilala ng Diyos ang umiibig sa kanya.

Tungkol nga sa pagkaing inihandog sa diyus-diyusan, alam nating “walang kabuluhan ang mga diyus-diyusan,” at “iisa lamang ang Diyos.” Bagamat may sinasabing mga diyos sa langit o sa lupa, at maraming tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon,” sa ganang akin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo’y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Hesukristo, at sa pamamagitan niya’y nilikha ang lahat ng bagay at sa pamamagitan din niya’y nabubuhay tayo.

Subalit hindi lahat ay nakaaalam nito. May ilang nahirati sa pagsamba sa diyus-diyusan, kaya’t hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganitong pagkain, ang akala nila’y handog pa rin sa diyus-diyusan ang kanilang kaalaman, nababagabag ang kanilang kalooban sa pag-aakalang sila’y nagkakasala.

Kaya’t dahil sa inyong “kaalaman” ay napapahamak ang kapatid ninyong mahina pa at naging dahilan din ng kamatayan ni Kristo. Sa gayun, nagkakasala kayo kay Kristo sapagkat ibinunsod ninyo sa pagkakasala ang inyong kapatid at itinanim sa kanyang isipan ang maling paniniwala. Kaya’t kung dahil sa pagkain ay magkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang di siya magkasala.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 23-24

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malaya, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

O Diyos, ako’y siyasatin, alamin ang aking isip,
subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
kung ako ay hindi tapat, ito’y iyong nababatid,
sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

ALELUYA
1 Juan 4, 12

Aleluya! Aleluya!
Sa pagmamahalan natin
ang D’yos ay ating kapiling.
pag-ibig n’ya’y lulubusin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 6, 27-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo ring ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.

“Kung ang iibigin lamang ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad! Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayun, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”

“Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Posted by Jessie Somosierra on Wednesday, September 9, 2020

Share

Comments