Lunes ng Ika-30 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)



UNANG PAGBASA

Efeso 4, 32 – 5, 8


Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso


Mga kapatid, maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa, at magpatawaran, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.

Yamang kayo’y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan niyo siya. Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig tulad ni Kristo; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog niya ang kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain ng Diyos.

Kayo’y mga hinirang ng Diyos, kaya’t hindi dapat mabanggit man lamang sa inyong usapan ang anumang uri ng pakikiapid, karumihan o pag-iimbot. Gayun din ang anumang malaswa o walang kabuluhang usapan at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. Alam ninyo na walang bahagi sa kaharian ni Kristo at ng Diyos ang taong mapakiapid, mahalay, o mapag-imbot sapagkat ang pag-iimbot ay pagsamba sa diyus-diyusan.

Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil sa mga gawang iyon, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. Kaya’t huwag kayong makikisangkot sa kanila. Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN

Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6


Lahat kayong mahal ng D’yos sa kanya’y dapat sumunod.


Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsasaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.

Lahat kayong mahal ng D’yos sa kanya’y dapat sumunod.


Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitityak na magtatagumpay.

Lahat kayong mahal ng D’yos sa kanya’y dapat sumunod.


Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.

Lahat kayong mahal ng D’yos sa kanya’y dapat sumunod.


ALELUYA

Juan 17, 17b. a

Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA

Lucas 13, 10-17


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtuturo sa isang sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdaman, gawa ng masamang espiritung nasa kanya. Siya’y hukot na hukot at hindi na makaunat. Nang makita ni Hesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi, “Magaling ka na sa iyong karamdaman!” At ipinatong ni Hesus ang kanyang mga kamay sa babae; noon di’y nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Hesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang ipagtrabaho. Pumarito kayo sa mga araw na iyan upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagpaimbabaw! Hindi ba’t kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? Ang babaing ito na mula sa lipi ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat na siya’y kalagan kahit na Araw ng Pamamahinga?” Napahiya ang lahat ng kalaban ni Hesus sa sagot niyang ito; at nagalak naman ang madla sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Share

Comments