UNANG PAGBASA
Filipos 1, 18b-26
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, ang mahalaga’y naipangangaral si Kristo kahit sa anong paraan, tapat man o hindi ang hangarin ng nangangaral.
Ang isa ko pang ikinagagalak ay ang pag-asa na, balang araw, muli akong makalalaya sa tulong ng Espiritu ni Hesukristo at ng inyong mga panalangin. Ang aking pinakananais at inaasahan ay huwag akong magkulang sa aking tungkulin, kundi magkaroon ako ng lakas ng loob sa lahat ng panahon upang, sa mabuhay o sa mamatay, mabigyan ko ng karangalan si Kristo. Sapagkat para sa akin si Kristo ang buhay at dahil dito’y pakinabang ang kamatayan. Ngunit kung sa pananatili kong buhay ay makagagawa ako ng mabubuting bagay, hindi ko malaman ngayon kung alin ang aking pipiliin sa dalawang hangarin. Ang ibig ko’y pumanaw na sa buhay na ito upang makapiling ni Kristo, yamang ito ang lalong mabuti para sa akin. Sa kabilang dako, kung mananatili akong buhay ay makabubuti naman sa inyo. Dahil dito, natitiyak kong ako’y mananatili pang buhay at makakasama ninyo upang matulungan kayong makapagpatuloy na may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3. 5bkd
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Papunta sa templo ng Diyos ako ang siyang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos, sa pag-awit na masaya!
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
ALELUYA
Mateo 11, 29ab
Aleluya! Aleluya!
Sabi ni Hesus na mahal:
Dalhin n’yo ang aking pasan
Kaamuan ko’y tularan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 1. 7-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.
Napansin ni Hesus na ang pinipili ng mga inanyayahan ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin. Kaya’t sinabi niya ang talinghagang ito: “Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo. At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayo’y mapapahiya ka at doon malalagay sa pinakaabang upuan. Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, ‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’ Sa gayun, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Comments
Post a Comment