Biyernes - Nobyembre 18, 2011, Ika-33 na Ordinaryong Linggo

Biyernes - Nobyembre 18, 2011     Ika-33 na Ordinaryong Linggo 
                                               (Pagtatalaga sa Basilika nina Apostol Pedro at Pablo sa Roma)


Unang Pagbasa                          1 Macabeo 4: 36-59

Ang Paglilinis ng Templo

               36 Sa gitna ng ganitong tagumpay, sinabi ni Judas at ng mga kapatid niya, "Ngayong nagapi na ang mga kaaway, kailangang linisin natin ang Templo at muling italaga ito." 37 Kaya't ang buong hukbo ay umahon sa Bundok ng Zion. 38 Dinatnan nilang wala nang laman ang Templo, wala sa ayos ang dambana at sunog ang mga pintuan. Masukal na ang patyo na parang kagubatan, at wasak pati ang mga tirahan ng mga pari. 39 Sa laki ng pagdaramdam, pinunit nila ang kanilang kasuotan, binudburan ng abo ang kanilang ulo, 40 at nagpatirapa sa lupa. Nang hipan ang trumpeta bilang hudyat, sila'y nanalangin nang malakas sa Diyos ng kalangitan.

               41 Iniutos ni Judas sa kanyang mga tauhan na salakayin ang muog, habang nililinis niya ang Templo. 42 Pumili siya ng mga paring walang kapintasan at masunurin sa kautusan 43 upang siyang maglinis ng Templo. Hinakot nila ang mga batong karumal-dumal at dinala sa isang tambakan. 44 Pinag-usapan nila kung ano ang mabuting gawin sa dambanang nilapastangan ng kaaway. 45 Pinagkaisahan nilang ito'y wasakin upang hindi maging alaala ng kahihiyang tinamo nila sa kamay ng mga Hentil. 46 Tinibag nila ang dambana at ibinunton ang mga bato sa isang panig ng burol, at naghintay na lamang sila ng propetang magpapasya ng dapat gawin sa mga batong iyon.47 Samantala, kumuha sila ng mga batong hindi pa natatapyas, at ayon sa iniutos ng Kautusan, ito ang ginamit sa pagtatayo ng bagong altar. 48 Inayos nila ang santwaryo at ang loob ng Templo at nilinis ang mga bulwagan. 49 Gumawa sila ng mga bagong sisidlang gagamitin sa Templo, naglagay ng ilawan at altar na sunugan ng insenso at ng hapag na gagamitin sa loob. 50 Matapos mailagay sa kanya-kanyang lugar ang lahat, nagsunog sila ng insenso sa altar. Sinindihan nila ang mga ilawan at lumiwanag ang Templo. 51 Inihanay nila sa hapag ang tinapay, at ikinabit ang mga kurtina at natapos na lahat ang kanilang gawain.
               52 Nang ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan ng taong 148, 53 maagang-maaga silang bumangon at naghandog sa bagong altar ng mga haing susunugin, ayon sa itinakda ng kautusan ng Diyos. 54 Sa araw na iyon ay itinalaga nilang muli ang Templo sa gitna ng awitang kasaliw ang mga kudyapi, plauta at pompiyang. Ganito ring araw nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo. 55 Lahat ay nagpatirapa, sumamba, at nagpuri sa Diyos na lumingap at pumatnubay sa kanila.
               56 Walong araw silang nagdiwang sa pagtatalagang ito; tuwang-tuwa silang nag-alay ng mga handog na susunugin. Nag-alay din sila ng handog para sa pagkakaligtas at handog pasasalamat sa Diyos. 57 Bilang palamuti, ang labas ng Templo ay nilagyan ng mga koronang ginto at maliliit na kalasag. Inayos nila at nilagyan ng mga pinto ang mga silid ng mga pari. 58 Galak na galak ang lahat nang maalis ang mga tanda ng kalapastanganang ginawa ng mga Hentil. 59 Ipinasya ni Judas, ng kanyang mga kapatid at ng lahat ng mamamayan ng Israel na sa gayon ding araw, taun-taon ay ipagdiriwang nila ang muling pagtatalaga ng Templo. Walong araw nilang gagawin ito, mula sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan.

Salmo                                     1 Cronica 29: 10-12

Pinuri ni David si Yahweh
               10 Sa harapan ng mga tao'y tuwang-tuwa si David na nagpuri kay Yahweh. Sinabi niya, "Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ama. 11 Sa inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat. 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas 

Ebanghelyo (Gospel)                       Lucas 19: 45-48

Si Jesus sa Templo

 
 
               45 Pumasok si Jesus sa Templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46Sinabi niya sa kanila, "Nasusulat, 'Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.' Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw."
               47 Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsisikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.at kapangyarihan sa lahat.


Share

Comments