Miyerkules - Nobyembre 16, 2011 Ika-33 na Ordinaryong Linggo
(Margarita ng Escosia / Gertrude)
Unang Pagbasa 2 Macabeo 7: 1-31
Ang Mag-iinang Naging Martir
1 Sa isa namang pagkakataon, isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki ang ipinahuli ng hari. Sila'y pinahirapan para piliting kumain ng karneng baboy na ipinagbabawal ng Kautusan. 2 Isa sa mga anak ang nangahas tumayo at nagsalita, "Ano ba ang nais ninyong mangyari sa pagpapahirap sa amin? Matamis pa sa amin ang mamatay kaysa lumabag sa mga kautusan ng aming mga ninuno!"
3 Nag-alab ang galit ng hari at iniutos na painitin agad ang mga kawa. 4 Samantalang pinaiinit ang mga ito, iniutos niya sa mga berdugo na putulin ang dila ng pangahas na nagsalita, tanggalin ang anit nito at putulin din ang kanyang mga kamay at mga paa sa harapan ng kanyang ina at mga kapatid. 5 Lahat ng iniutos na pagpaparusa ay nagawa na ngunit buhay pa rin siya, kaya't ipinalitson siya ng hari. Nang ang biktima'y inihagis na sa kawa, kumalat ang makapal na usok. Ang ina at ang magkakapatid ay nag-usap-usap para palakasin ang loob ng isa't isa, 6 "Nakatunghay sa atin ang ating Diyos na Panginoon, at kahahabagan niya tayo. Hindi ba't noong si Moises ay nangangaral laban sa mga suwail na tao, kanyang sinabi sa kanyang awit, 'Kahahabagan ng Panginoon ang kanyang mga lingkod.' "
7 Nang mamatay ang unang kapatid, binalingan naman ng mga kawal ang ikalawang kapatid para paglaruan. Tinanggal ang buhok at anit nito sa ulo. Pagkatapos, siya ay tinanong, "Alin ang pipiliin mo, kumain ng karneng baboy o isa-isang putulin ang iyong mga paa't kamay?"
8 Sumagot ito sa wika ng kanyang mga ninuno, "Hindi ko iyan kakainin anuman ang mangyari!" Kaya't gaya ng una, siya'y pinahirapan hanggang sa mamatay. 9 Ngunit bago namatay, sinabi niya nang malakas sa hari, "Kasumpa-sumpang halimaw! Maaari mong kunin ang buhay namin dito sa lupa, ngunit bubuhayin kaming muli ng Hari ng buong daigdig upang hindi na muling mamatay, sapagkat sinusunod namin ang kanyang mga utos."
10 Ganoon ding parusa ang sinapit ng ikatlong anak. Noong siya'y utusang ilawit ang kanyang dila, ginawa niya ito agad at walang atubiling iniabot ang kanyang mga kamay. 11 Ganito ang sinabi niya, "Tinanggap ko ang mga kamay na ito buhat sa langit. Subalit mas mahalaga para sa akin ang mga utos ng Diyos, at umaasa akong ibabalik niya ang mga kamay ko." 12 Pati ang hari at mga tauhan niya'y humanga sa ipinakita niyang tapang ng loob at sa pagiging handa sa pagtanggap ng pagpaparusa nila.
13 Namatay rin ang ikatlong kapatid na ito. Isinunod namang parusahan ang ikaapat sa ganito ring malupit na pamamaraan. 14 Nang mamamatay na, sinabi nito, "Ako'y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako'y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli."
15 Ang sumunod na pinarusahan ay ang ikalimang kapatid. 16 Mula sa pook ng parusahan, tumingin siya sa hari at sinabi, "Maaari mong gawin sa amin ang gusto mo, bagaman tao ka ring may kamatayan. Ngunit huwag mong aakalain na pinabayaan na ng Diyos ang kanyang bansa. 17Maghintay kayo ng kaunti pang panahon. Ang kapangyarihan ng Diyos ang uusig sa inyo at sa inyong lahi."
18 Ang ikaanim na kapatid ang siya namang iniharap sa mga berdugo, at gayon din ang ginawang pagpaparusa. Bago ito namatay, sinabi naman niya ang ganito: "Huwag na kayong mangarap nang walang kabuluhan. Sinapit namin ang ganito sapagkat nagkasala kami sa aming Diyos, kaya naman nangyayari ang mga paghihirap na ito. 19 Ngunit tandaan ninyong paparusahan kayo sa paglaban ninyo sa Diyos."
20 Ang di malilimot at higit na kahanga-hanga ay ang ina. Nasaksihan nito ang sunod-sunod na pagpaparusang ginawa sa kanyang pitong anak hanggang sa ang mga ito'y mamatay sa loob lamang ng isang araw. Ngunit hindi nasira ang kanyang loob dahil nananalig siya sa Panginoon.21 Malakas ang kanyang loob kahit na siya'y babae; kasintapang siya ng lalaki. Sa wika ng kanyang mga ninuno, isa-isa niyang pinalakas ang loob ng kanyang mga anak. Ganito ang sabi niya: 22 "Hindi ko alam kung paano kayo naging tao sa aking sinapupunan. Hindi ako ang naglagay ng iba't ibang sangkap ng inyong katawan at nagbigay sa inyo ng buhay. 23 Ang lumikha ng buong sansinukob ang siya ring lumikha ng tao at lahat ng bagay. Dahil sa kanyang kagandahang-loob ay ibabalik niyang muli ang inyong hininga at buhay, sapagkat hindi ninyo inaalintana ang sariling buhay dahil sa kanyang Kautusan."
24 Sa pandinig ni Antioco, ang pangungusap na ito ng ina ay isang pagyurak sa kanya, kaya't sinikap niyang mahimok ang bunsong anak ng babae na talikuran ang kanyang relihiyon. Ipinangako niya na payayamanin ito at patatanyagin; pagkakalooban pa ng mataas na tungkulin at ituturing na isang kaibigan ng hari. 25 Subalit hindi siya inintindi ng anak, kaya't nilapitan ng hari ang ina. Sinabi niyang payuhan nito ang anak kung gusto niyang ito'y mabuhay. 26 Sa kahihimok ng hari, napahinuhod ang ina na kausapin ang anak. 27 Bilang pag-uyam sa malupit na hari, dumikit siya sa kanyang anak at pabulong na kinausap ito sa sariling wika, "Anak, mahabag ka sa iyong ina na siyam na buwang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan. Tatlong taon kitang pinasuso. Pinalaki kita at inaruga hanggang ngayon. 28 Masdan mo ang kalangitan at ang daigdig at lahat ng bagay na naroon. Alam mong ang lahat ng iyan ay hindi nilikha ng Diyos mula sa mga bagay na naririto, tulad din naman ng sangkatauhan. 29 Huwag kang matakot sa berdugong ito. Ipakita mong karapat-dapat ka sa iyong mga kapatid na nagdusa hanggang kamatayan, upang sa muling pagkabuhay ay makapiling kita kasama nila."
30 Hindi pa man natatapos magsalita ang ina, sinabi ng anak, "Ano pang iyong hinihintay, Haring Antioco? Hindi ko susundin ang utos mo; ang susundin ko'y ang mga utos na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises! 31 Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng pagpapahirap na ito sa mga Judio! Ngunit tandaan mo: hindi ka makakatakas sa parusa ng Diyos!
Salmo Awit 17: 1-15
Panalangin ng Isang Walang SalaPanalangin ni David.
1 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
dinggin mo ako sa aking kahilingan;
dalangin ko sana'y iyong pakinggan,
sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
2 Hahatol ka para sa aking panig,
pagkat alam mo kung ano ang matuwid.
3 Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
walang kasamaan maging sa aking bibig.
4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
5 Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
hindi ako lumihis doon kahit kailan.
6 Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
7 Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.
8 Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
9 mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.
Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
10 mayayabang magsalita, suwail at matatapang;
11 saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan,
naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal.
12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,
mga batang leon na nakahandang sumagpang.
13 Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan,
sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban!
14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang,
sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.
Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,
pati mga anak nila ay labis mong pahirapan
at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay!
15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.
Ebanghelyo (Gospel) Lucas 19: 11-28
Ang Talinhaga ng Salaping Ginto
11 Habang ang mga tao ay nakikinig, isinalaysay din ni Jesus sa kanila ang isa pang talinhaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na magsisimula na ang paghahari ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, "May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang ito'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi. Sinabi niya sa kanila, 'Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.' 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, 'Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.' 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.
"Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, 'Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.' 17 'Magaling,' sagot niya. 'Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lunsod.' 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, 'Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.' 19 At sinabi niya sa alipin, 'Mamamahala ka sa limang lunsod.' 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, 'Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.' 22 Sinagot siya ng hari, 'Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idiniposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.' 24 At sinabi niya sa mga naroon, 'Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.' 25 'Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,' sabi nila. 26'Sinasabi ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!'"
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
28 Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus papuntang Jerusalem.
Comments
Post a Comment