Martes - Enero 24, 2012
Ika-3 Linggo ng Taon (Francisco de Sales)



Unang Pagbasa 2 Samuel 6:12-19
12 May nagbalita kay Haring David na pinagpalang mabuti ni Yahweh si Obed-edom. Ito'y ikinagalak niya, kaya kinuha niya ang Kaban ng Tipan at dinala sa Jerusalem. 13 Hindi pa man nakakalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng Kaban ng Tipan, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang baka. 14 Isinuot ni David ang isang linong efod, at nagsasayaw siya sa harapan ni Yahweh. 15 Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta.

16 Nang sila'y papasok na ng lunsod, si David ay naglululundag at nagsasayaw. Nang siya'y madungawan ni Mical na anak ni Saul, hindi niya nagustuhan ang ginawa ni David. 17 Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Tipan at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama'y muling nag-alay ng mga handog na susunugin sa harapan ni Yahweh. 18 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ni Yahweh na Pinakamakapangyarihan sa Lahat. 19 Bago nagsiuwi ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, sila'y pinakain ng tinapay, karne at pasas.

Salmo Awit 24:7-10
7 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

8 Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
si Yahweh, matagumpay sa labanan.

9 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)


Ebanghelyo (Gospel) Marcos 3:31-35
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus
31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Sila'y nasa labas ng bahay at ipinapatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, "Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid."

33 "Sino ang aking ina at mga kapatid?" tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, "Sila ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay siyang aking ina at mga kapatid."



Share

Comments