Isang Araw ng pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. May talinhaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may ikinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. “Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” Sinabi ni Jesus sa puno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay mo ang kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga balewala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
Souce: Radio Veritas
Comments
Post a Comment