Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa Langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. “Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin n’yo ang asawa ni Lot. Mawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. “Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” At itinanong naman nila: Saan, Panginoon?” Sumagot siya: “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
Source: Radio Veritas
Comments
Post a Comment