4 Makinig kayong lahat na nang-aapi sa dukha
at naghahangad na alisin sa lupain ang mga aba. 5 Sabi ninyo: “Kailan matatapos ang Bagong Buwan o ang
Araw ng Pahinga nang mabuksan namin ang tindahan ng trigo? Bawasan natin ang
takal at itaas ang presyo; gamitin ang madayang timbangan at 6 ipagbili kahit na ang ipa, ipagpapalit natin
sa pera ang dukha at sa isang paris na sandalyas ang nagdarahop.”
9 Sabi ni Yawe: “Sa araw na iyon, palulubugin
ko ang araw sa katanghalian at papagdidilimin ang lupa sa araw na maaliwalas.
10 Gagawin
kong pagluluksa ang inyong mga pagpipiyesta, at pagtangis ang inyong mga awit.
Magluluksa ang lahat, magdadamit ng sako at mag-aahit ng ulo, na parang nawalan
ng iisang anak na lalaki at magiging mapait ang katapusan.
11 Sabi
ng Panginoong Yawe: “Darating ang mga araw na magpapadala ako ng pagkagutom sa
lupain, hindi pagkauhaw sa tinapay o sa tubig kundi pagkauhaw na marinig ang
salita ni Yawe. 12 Magsisilaboy
ang mga tao sa magkabilang dagat, pahilaga’t pasilangang magpapagala-gala sa
paghahanap sa salita ni Yawe na hindi naman nila matatagpuan.
Comments
Post a Comment