Exodo 32, 7-14


Aklat ng Exodo 32, 7-14

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inialis mo sa Egipto, naroon at nagpapakasama. Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila’y iyon ang diyos na nag-alis sa kanila sa Egipto. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matigas ang kanilang ulo. Kung gusto mo, lilipulin ko sila at iyo ko pagmumulain ang isang malaking bansa.”

Nagsumamo si Moises sa Panginoon, “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inialis ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita’y inialis ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong balak laban sa kanila. Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihin tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupaing ipinangako ninyo.” Hindi nga itinuloy ng Panginoon ang balak na paglipol sa mga Israelita.

Share

Comments