Sabado ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)



UNANG PAGBASA

Galacia 3, 22-29


Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia


Mga kapatid, sinasabi ng Kasulatan na ang lahat ng tao’y alipin ng kasalanan upang sa pamamagitan ng pananalig kay Hesukristo, ang mga sumasampalataya ay tumanggap ng mga ipinangako ng Diyos.

Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, kami’y alipin ng Kautusan hanggang sa mahayag ang pananampalatayang ito. Kaya’t ang Kautusan ang naging tagapagturo namin hanggang sa dumating si Kristo at sa gayun, kami’y mabilang na matuwid sa pamamagitan ng pananalig sa kanya. Ngayong nananalig na kami sa kanya, wala na kami sa pangangalaga ng tagapagturo.

Dahil sa inyong pananalig kay Kristo Hesus, kayong lahat ay anak ng Diyos. Sapagkat ang lahat ng nabinyagan kay Kristo ay pinananahan ni Kristo. Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae – kayong lahat ay iisa dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus. At kung kayo’y kay Kristo, kabilang kayo sa lahi ni Abraham, at tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.


SALMONG TUGUNAN

Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7

Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
o kaya: Aleluya.

Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.

Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.

Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayun din ang kanyang ginawang himala.

Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.

Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.

Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.

ALELUYA

Lucas 11, 28

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 27-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa inyo!” Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Share

Comments