Sabado ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

San Antonio Maria Claret, Obispo
Mahal na Birhen ng Sabado


UNANG PAGBASA

Efeso 4, 7-16


Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso


Mga kapatid, ang bawat isa sa ati’y binigyan ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Kristo. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan,

“Nang umakyat siya sa kalangitan,
Nagdala siya ng maraming bihag,
At nagbigay ng mga kaloob sa tao.”

Ano ang ibig sabihin ng “umakyat siya?” Ang ibig sabihin niyan ay bumaba muna siya rito sa lupa. Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan, sa kabila ng mga langit, upang malaganapan ng kanyang kapangyarihan ang kalahat-lahatan. At ang iba’y ginawang apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y ebanghelista, ang iba’y pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang, sa ikauunlad ng kanyang simbahan. Sa gayun, tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Kristo. Hindi tayo matutulad sa mga batang nadadala ng bawat aral, parang sasakyang-dagat na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng hangin. Hindi na tayo malilinlang ng mga taong ang hangad ay ibulid tayo sa kamalian. Manapa’y sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, magiging ganap tayo kay Kristo na siyang ulo. Sa pamamagitan niya’y nabubuo ang katawan mula sa mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lalaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig.

Ang Salita ng Diyos.


SALMONG TUGUNAN

Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5


Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.


Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.

Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.


Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.

Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poon D’yos.


Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.

Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.


ALELUYA

Ezekiel 33, 11

Aleluya! Aleluya!
Hindi nais ng Maykapal
na salari’y parusahan
kundi s’ya’y magbagong-buhay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA

Lucas 13, 1-9


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Dumating noon ang ilang mga tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayun ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe – sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.”

Sinasabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: “May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya’t sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Share

Comments