Saturday, July 5, 2014

Genesis 1

1 1 Nang simulang likhain ng Diyos      ang langit at lupa, ang lupa ay walang anyo at walang nabu­buhay. Nababalot ng kadiliman ang kailaliman at aali-aligid ang espi­ritu ng Diyos sa iba­baw ng mga tubig.

Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwa­nag,” at nagkaroon ng liwanag. Minas­dan ng Diyos ang liwanag – at iyon nga ay mabuti – at inihiwalay niya ang liwanag sa kadiliman. Tinawag ng Diyos na “Araw” ang liwanag, at “Gabi” ang kadiliman. Gumabi at umu­maga: ang Unang Araw.

Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng ma­tibay na sahig sa pagitan ng mga tubig upang paghiwalayin ang mga tubig sa kapwa-tubig.” Sa gayon, gina­wa ng Diyos ang sahig na naghi­hiwalay sa tubig na nasa silong nito at sa tubig na nasa ibabaw nito. At gayon nga ang nang­yari. Tinawag ng Diyos na “Langit” ang matibay na sahig. Guma­bi at umu­maga: ang Ikalawang Araw.

Sinabi ng Diyos: “Magsama-sama ang mga tubig sa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang tuyong lupa.” At gayon nga ang nangyari.

10 Tinawag ng Diyos na “Lupa” ang dakong tuyo, at “Dagat” ang mga tubig na pinagsama-sama. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti.

11 Sinabi ng Diyos: “Magbinhi ang lupa ng mga damo at mga halamang nagbubunga ng buto, at mga puno sa lupa na namumunga ng mga prutas na may buto sa loob, ang bawat isa ayon sa sariling uri.” Gayon nga ang nang­yari. 12 Nag­binhi ang lupa ng mga damo at mga halamang nagbubunga ng buto at mga punong namumunga ng mga prutas na may buto, ayon sa uri ng bawat isa. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti. 13 Gumabi at umu­maga: ang Ikatlong Araw.

14 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga ilaw sa sahig sa itaas upang ibukod ang araw sa gabi, at magsilbing mga palatandaan ng mga panahon, araw at taon. 15 At mag­ning­ning ang mga ito sa sahig sa itaas para tanglawan ang lupa.” At gayon nga ang nangyari.

16 Kaya dalawang malaking ilaw ang ginawa ng Diyos: ang mas malaking ilaw upang pamahalaan ang mag­hapon, at ang maliit na ilaw para pama­halaan ang magdamag. At ginawa rin ng Diyos ang mga bituin. 17 Inilagay ng Diyos ang mga iyon sa sahig sa itaas upang tanglawan ang lupa, 18 at pamahalaan ang mag­hapon at magdamag, at ihiwalay ang li­wanag sa kadiliman. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti. 19 Gumabi at umumaga: ang Ikapat na Araw.

20 Sinabi ng Diyos: “Mapuno ng mga buhay na nilalang ang mga tubig at mag­liparan ang mga ibon sa ibabaw ng lupa sa silong ng matibay na sahig.” 21 Nilikha ng Diyos ang mala­laking dam­bu­hala sa karagatan, at lahat ng nabu­bu­hay at lumalangoy sa mga tubig sa dagat, at lahat ng ibong lumilipad, ayon sa sariling uri ng bawat isa. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti. 22 Pinag­pala ng Diyos ang mga ito at sinabi: “Lumago kayo at magpa­rami, punuin ninyo ang tubig ng mga dagat, at magparami rin ang mga ibon sa ibabaw ng lupa.” 23 Gumabi at umu­maga: ang Ikalimang Araw.

24 Sinabi ng Diyos: “Magsupling ang lupa ng mga buhay na hayop ayon sa sariling uri ng mga ito: mga maba­bangis na hayop at iba pang mga hayop, at mga hayop na gumagapang sa lupa, ayon sa sariling uri ng bawat isa.” At gayon nga ang nangyari. 25 Nilikha ng Diyos ang iba’t ibang uri ng mga hayop: ang ma­babangis na mga hayop, ang iba pang mga hayop, at lahat ng guma­gapang sa lupa ayon sa sariling uri ng mga ito. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti.

26 Sinabi ng Diyos: “Lalangin natin ang tao na ating larawan at kahawig. Sila ang makapangyari sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa lahat ng mababa­ngis na hayop at sa iba pang mga hayop, at sa lahat ng guma­gapang sa lupa.”

27 Kaya nilikha ng Diyos ang tao na kanyang larawan; larawan ng Diyos, siya ay kanyang nilikha; nilikha niya silang lalaki at babae.

28 Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Maging mabunga kayo at mag­parami, punuin ninyo ang lupa at kayo ang ma­kapangyari rito. Kayo ang ma­kapang­yari sa mga isda sa dagat at mga ibon sa la­ngit, sa bawat buhay na hayop na gu­ma­galaw sa lupa.”

29 Sinabi ng Diyos: “Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng halaman sa balat ng lupa na nagbubunga ng buto, at lahat ng punong namumunga ng mga prutas na may buto. Ang mga ito ang in­yong pag­kain. 30 At ibinibigay ko na­man sa lahat ng mababangis na hayop, sa lahat ng ibon sa langit, sa lahat ng hayop na gumagapang sa lupa – sa lahat ng may hininga ng buhay – ang lahat ng luntiang halaman bilang pag­kain nila.” At gayon nga ang nangyari. 31 Pinag­masdan ng Diyos ang lahat ng kanyang ginawa, at tunay ngang na­pakabuti ng mga iyon. Gumabi at umu­maga: ang Ikanim na Araw.


Share

No comments:

Post a Comment