1• 1 Nang simulang likhain ng Diyos ang langit at lupa, 2 ang lupa ay walang anyo at walang nabubuhay. Nababalot ng kadiliman ang kailaliman at aali-aligid ang espiritu ng Diyos sa ibabaw ng mga tubig.
3 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag. 4 Minasdan ng Diyos ang liwanag – at iyon nga ay mabuti – at inihiwalay niya ang liwanag sa kadiliman. 5 Tinawag ng Diyos na “Araw” ang liwanag, at “Gabi” ang kadiliman. Gumabi at umumaga: ang Unang Araw.
6 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng matibay na sahig sa pagitan ng mga tubig upang paghiwalayin ang mga tubig sa kapwa-tubig.” 7 Sa gayon, ginawa ng Diyos ang sahig na naghihiwalay sa tubig na nasa silong nito at sa tubig na nasa ibabaw nito. At gayon nga ang nangyari. 8 Tinawag ng Diyos na “Langit” ang matibay na sahig. Gumabi at umumaga: ang Ikalawang Araw.
9 Sinabi ng Diyos: “Magsama-sama ang mga tubig sa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang tuyong lupa.” At gayon nga ang nangyari.
10 Tinawag ng Diyos na “Lupa” ang dakong tuyo, at “Dagat” ang mga tubig na pinagsama-sama. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti.
11 Sinabi ng Diyos: “Magbinhi ang lupa ng mga damo at mga halamang nagbubunga ng buto, at mga puno sa lupa na namumunga ng mga prutas na may buto sa loob, ang bawat isa ayon sa sariling uri.” Gayon nga ang nangyari. 12 Nagbinhi ang lupa ng mga damo at mga halamang nagbubunga ng buto at mga punong namumunga ng mga prutas na may buto, ayon sa uri ng bawat isa. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti. 13 Gumabi at umumaga: ang Ikatlong Araw.
14 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga ilaw sa sahig sa itaas upang ibukod ang araw sa gabi, at magsilbing mga palatandaan ng mga panahon, araw at taon. 15 At magningning ang mga ito sa sahig sa itaas para tanglawan ang lupa.” At gayon nga ang nangyari.
16 Kaya dalawang malaking ilaw ang ginawa ng Diyos: ang mas malaking ilaw upang pamahalaan ang maghapon, at ang maliit na ilaw para pamahalaan ang magdamag. At ginawa rin ng Diyos ang mga bituin. 17 Inilagay ng Diyos ang mga iyon sa sahig sa itaas upang tanglawan ang lupa, 18 at pamahalaan ang maghapon at magdamag, at ihiwalay ang liwanag sa kadiliman. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti. 19 Gumabi at umumaga: ang Ikapat na Araw.
20 Sinabi ng Diyos: “Mapuno ng mga buhay na nilalang ang mga tubig at magliparan ang mga ibon sa ibabaw ng lupa sa silong ng matibay na sahig.” 21 Nilikha ng Diyos ang malalaking dambuhala sa karagatan, at lahat ng nabubuhay at lumalangoy sa mga tubig sa dagat, at lahat ng ibong lumilipad, ayon sa sariling uri ng bawat isa. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti. 22 Pinagpala ng Diyos ang mga ito at sinabi: “Lumago kayo at magparami, punuin ninyo ang tubig ng mga dagat, at magparami rin ang mga ibon sa ibabaw ng lupa.” 23 Gumabi at umumaga: ang Ikalimang Araw.
24 Sinabi ng Diyos: “Magsupling ang lupa ng mga buhay na hayop ayon sa sariling uri ng mga ito: mga mababangis na hayop at iba pang mga hayop, at mga hayop na gumagapang sa lupa, ayon sa sariling uri ng bawat isa.” At gayon nga ang nangyari. 25 Nilikha ng Diyos ang iba’t ibang uri ng mga hayop: ang mababangis na mga hayop, ang iba pang mga hayop, at lahat ng gumagapang sa lupa ayon sa sariling uri ng mga ito. Minasdan iyon ng Diyos – at iyon nga ay mabuti.
26 Sinabi ng Diyos: “Lalangin natin ang tao na ating larawan at kahawig. Sila ang makapangyari sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa lahat ng mababangis na hayop at sa iba pang mga hayop, at sa lahat ng gumagapang sa lupa.”
27 Kaya nilikha ng Diyos ang tao na kanyang larawan; larawan ng Diyos, siya ay kanyang nilikha; nilikha niya silang lalaki at babae.
28 Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Maging mabunga kayo at magparami, punuin ninyo ang lupa at kayo ang makapangyari rito. Kayo ang makapangyari sa mga isda sa dagat at mga ibon sa langit, sa bawat buhay na hayop na gumagalaw sa lupa.”
29 Sinabi ng Diyos: “Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng halaman sa balat ng lupa na nagbubunga ng buto, at lahat ng punong namumunga ng mga prutas na may buto. Ang mga ito ang inyong pagkain. 30 At ibinibigay ko naman sa lahat ng mababangis na hayop, sa lahat ng ibon sa langit, sa lahat ng hayop na gumagapang sa lupa – sa lahat ng may hininga ng buhay – ang lahat ng luntiang halaman bilang pagkain nila.” At gayon nga ang nangyari. 31 Pinagmasdan ng Diyos ang lahat ng kanyang ginawa, at tunay ngang napakabuti ng mga iyon. Gumabi at umumaga: ang Ikanim na Araw.
Comments
Post a Comment