Linggo - Enero 22, 2012, Ika-2 Linggo ng Taon (Vicente)
Unang Pagbasa Jonas 3:1-10
Si Jonas sa Nineve
Unang Pagbasa Jonas 3:1-10
Si Jonas sa Nineve
1 Muling sinabi ni Yahweh kay Jonas,
2 "Pumunta ka sa Lunsod ng Nineve at ipahayag mo ang mga ipinapasabi ko sa iyo." 3 Nagpunta nga si Jonas sa Nineve. Malaki ang lunsod na ito; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin. 4 Siya'y pumasok sa lunsod. Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, "Gugunawin ang Nineve pagkaraan ng apatnapung araw!" 5 Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno silang lahat at nagdamit ng panluksa bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
6 Nang mabalitaan ito ng hari ng Nineve, bumaba siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit ng panluksa at naupo sa abo. 7 At ipinasabi niya sa mga taga- Nineve, "Ito'y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang dapat kumain ng anuman. Wala ring iinom, maging tao o hayop. 8 Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng panluksa. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at iwan ang masamang pamumuhay. 9 Baka sa paraang ito'y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasya at hindi na niya ituloy ang balak na pagpatay sa atin."
10 Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na niya pinarusahan ang mga ito tulad ng kanyang naunang sinabi.
Salmo Awit 25:4-9
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan,
sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
Pangalawang Pagbasa 1 Corinto 7:29-31
29 Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; 30 ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang namimili, na parang walang ari-arian, 31 at ang mga may tinatamasa sa sanlibutang ito, na parang wala silang tinatamasa. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal.
Ebanghelyo (Gospel) Marcos 1:14-20
Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea
14 Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi niya, "Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!"
Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda
16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao." 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.
Comments
Post a Comment