Lunes - Enero 23, 2012, Ika-3 Linggo ng Taon

Lunes - Enero 23, 2012 Ika-3 Linggo ng Taon


Unang Pagbasa 2 Samuel 5:1-10
Naghari si David sa Israel at Juda
1 Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, "Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. 2 Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan." 3 Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. 4 Tatlumpung taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. 5 Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda.



6 Nang siya'y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, "Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito." 7 Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Zion at ito'y tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon.

8 Bago iyon nangyari ay sinabi ni David, "Sinumang may gustong sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat sa daluyan ng tubig at patayin ang mga kawawang bulag at pilay na iyon." Doon nagmula ang kawikaang, "Walang bulag o pilay na makakapasok sa templo ni Yahweh!"

9 Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol. 10 Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

Salmo Awit 89:20-26
20 Ang piniling lingkod na ito'y si David,
aking binuhusan ng banal na langis.

21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.

22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
ang mga masama'y di magtatagumpay.

23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
silang namumuhi na mga kaaway.

24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas,
ay iuukol ko't aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.

25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.

26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't manunubos.

Ebanghelyo (Gospel) Marcos 3:22-30
22 Sinasabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, "Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!"

23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinhaga. Sabi niya, "Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, hindi magtatagal, mawawasak ang kahariang iyon. 25 Kapag naglaban- laban naman ang mga magkakasambahay, hindi rin magtatagal ang sambahayang iyon. 26 Gayundin naman, kapag naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang kanyang wakas.

27 "Subalit hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28 Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29 ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat ito ay walang hanggang kasalanan." 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.



Share

Comments