Hosea 14: 2-10


 Magbalik ka, Israel, kay Yaweng iyong Diyos!
Nadapa ka sa iyong mga pagkakasala.
Maghanda ka ng sasabihin at humarap kay Yawe,
at sabihin mong: “Ikaw na nahahabag sa ulila,
patawarin mo ang aming mga kasalanan
at tanggapin sa iyong kagandahang-loob.
Sa halip ng mga toro at mga handog,
tanggapin ang papuri mula sa aming mga labi.

Hindi kami maililigtas ng Asiria;
hindi na kami aasa pa sa mga kabayo,
ni muling magsasabing ‘Mga diyos namin’
sa gawa ng aming mga kamay.”

5 Lulunasan ko ang kanilang pagkaligaw
at buong puso silang mamahalin
pagkat napawi na ang galit ko sa kanila.
Magiging para akong hamog sa Israel;
mamumulaklak siyang parang liryo.
Parang sedro ng Lebanon, mag-uugat siya nang malalim.
7 Uusbong ang kanyang mga supling.

Ang ganda niya’y magiging parang sa punong olibo,
ang bango’y parang sa sedro ng Lebanon.
Muling mananahan ang mga tao sa kanyang lilim.
Mananagana siyang parang butil ng trigo,
mamumulaklak na parang ubas,
at matatanyag na parang alak ng Lebanon.

9 Aanhin pa ng Efraim ang mga diyus-diyusan,
kung ako ang dumirinig at nangangalaga sa kanya?
Para akong sipres na laging luntian,
galing sa akin ang pagiging mabunga mo.

10 Sino ang matalino na makaaalam sa lahat ng ito?
Sino ang mahusay umunawa?
Tuwid ang mga daan ni Yawe;
doon lumalakad ang mga matuwid
at natitisod ang masasama.



Share

Comments