Christmas 2016 Message of Bishop Buenaventura Famadico of the Diocese of San Pablo




Ang mga sumusunod na pangungusap ang LIHAM PASTORAL ng Lub. Kgg. Mons. Buenaventura M. Famadico, D.D., Lingkod-Obispo ng San Pablo, para sa Araw ng Pasko (2016):


Minamahal kong mga kapwa anak ng Diyos,

Ipinagdiriwang natin ngayon ang pagsilang ng Diyos na naging tao. Ang Diyos ay naging tao upang tayong mga tao ay makibahagi sa kaluwalhatian, pag-ibig, kagalakan, kapayapaan at buhay na walang hanggan ng Diyos. Yan ang dahilan kung bakit tayo’y nagsasaya.

Pero hindi lahat ay masaya. May mga kababayan tayo ngayon na malungkot dahil nawala ang mahal sa buhay. Siya ay pinatay dahil sangkot sa droga. Hindi lamang sila, ayon sa survey ngayong Disyembre, walo sa kada sampung Pilipino ang natatakot na baka siya o kakilala niya ay mamatay sa extra judicial killing. Maging ang  loob ng bahay ay hindi na ligtas. Papasukin ito ng taong nagnanais pumatay.  Hindi ka na rin makatitiyak na ikaw ay ipagtatanggol ng may kapangyarihan sapagkat sila mismo ay kasama rin sa mga pumapatay. Bukod sa rito, umuusad na rin sa kongreso ang panukala na ibalik ang parusang kamatayan para sa mga mabibigat na krimen.  Nakalulungkot ang nangyayari sa ating bansa ngayon. Sa halip na ituring ang kamatayan ng kababayan bilang isang mabigat na suliranin, ang pagpatay sa kapwa Pilipino ay itinuturing na ngayon bilang solusyon. Paano magiging masaya at mapayapa ang ating kaloobaan ngayong Pasko at sa darating pang mga araw kung ang mga inihalal natin na mamuno sa bansa at ang mga may kapangyarihan ang nagsusulong ng pagpatay? Yan ba ang dahilan kung bakit natin sila inihalal? Ang panawagan natin sa kanila: Totoo na dapat sugpuin ang problema sa droga at sa mga mabibigat na krimen. Subalit mali ang pagpatay sa kanila bilang solusyon. May iba pang makataong paraan upang sila ay maparusahan at tulungang magbagong-buhay.

Ipinaaabot natin sa ating  Pangulo, sa mga kinatawan sa Senado at Kongreso na tutol tayo sa extra judicial killings at ang pagbabalik ng death penalty.

Ano ang ating magagawa? Madali ang mag-protesta at magsalita. Karaniwan, naghihintay tayo na may grupo na gagawa ng solusyon para sa atin. Huwag na tayong maghintay pa at sa halip ay kumilos na. Una ay magsimula sa sarili. Kung ikaw ay gumagamit o nagtutulak ng droga, itigil mo na. Kung ang kasama mo sa bahay ay gumagamit o nagtutulak, tulungan mo na tumigil na.  Tumulong ang mga kamag-anak, mga kapitbahay, mga kabaranggay.  Kung hindi, ang lalapit sa kanya ay may dala nang baril at may mali silang paraan upang matigil ang problema.

Ayon sa mga nakabilanggo sa Provincial Jail sa Sta. Cruz, Laguna, tatlo ang dahilan kung bakit sila nakakulong: kahirapan, kalungkutan dala ng mabigat na problema at kawalan ng impormasyon. Ang suliraning ito  ay pwedeng pagtulong-tulungan sa loob ng tahanan, ng mga magkakamag-anak, ng magkakapit-bahay, ng barangay at ng lokal na pamahalaan. Nagsisimula ang suliranin kung nararamdaman ng isang tao na siya ay nag-iisa, walang dumadamay, walang nagmamahal at walang tumutulong.  Bakit pa natin hihintayin na ang mga kaanak o kabaranggay natin ay madala sa bilangguan o sa rehabilitation center, o mabaril? Ang kailangan ay pagkalinga, pakikisangkot at pakikialam.

Ang ating Simbahan ay nag-iisip din ng mga paraan upang matulungan ang mga kapatid nating nasa ganitong kalagayan. Ang paraan ng Simbahan ay may kaugnayan sa kanilang pang-espiritwal na kagalingan.

May isang pitong taong-gulang na bata na nasa bahay-ampunan. Ang kanyang ina ay kamamatay lamang noong nakaraang taon. Ang kanyang ama naman ay nasa bilangguan. Ang sabi niya, ang kaniyang mga magulang ay napakalupit. Sinasaktan siya ng kanyang ama lalo’t kung ito ay nakainom. Pero sa kabila ng lahat, ito ang sabi niya: “Mahal ko pa rin ang aking ama.” (bas. Santos, Keit Anne G. “Life lesson.” Philippine Daily Inquirer, December 20, 2016)

Sa araw ng Pasko at sa susunod pang mga araw, sa kabila ng mga karahasan at kalungkutan sa palibot natin, nananatili na ang Diyos ay kapiling natin. Huwag tayong magpadala sa pagka-makasarili, sama ng loob, paghihiganti at kawalan ng pag-asa. Totoo na hindi madali ang kinakaharap nating suliranin pero yan ang dahilan kung bakit ang Diyos ay naging tao: upang samahan tayo sa pagkalugmok sa kasalanan at kasamaan at alalayan tayo na bumangon, magmahal at kumalinga katulad ng pagmamahal ng Diyos. Nagsimula iyon sa sanggol ng isang pamilya, ang pamilya nina Jose, Maria at Jesus. Simulan din natin ang pagsusugpo sa kasamaan at krimen sa ating sariling pamilya. Ipagdasal din natin ang mga pamilya na may mabibigat na suliranin. Tulungan natin sila ayon sa ating makakaya.  Yan ang diwa ng Pasko: pagkalinga, pagmamalasakit at pagpapatawaran katulad ng ginagawa ng Diyos sa atin. Maligayang Pasko po sa inyong lahat!


Share

Comments