Lunes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

San Lorenzo Ruiz



UNANG PAGBASA
Job 1, 6-22

Pagbasa mula sa aklat ni Job

Dumating ang panahon na ang mga anghel ng Diyos ay humarap sa Panginoon, at kasama si Satanas. Tinanong ito ng Panginoon, “Ano ang gawain mo ngayon?”

“Nagpaparoo’t parito sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas.

“Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong uli ng Panginoon. “Wala siyang katulad sa dagidig. Malinis ang kanyang pamumuhay. Siya’y mabuting tao, may takot sa akin, at hindi gumagawa ng masama,” dugtong pa ng Panginoon.

Sumagot si Satanas, “Si Job kaya ay matatakot sa iyo nang walang dahilan? Bakit nga hindi siya matatakot sa iyo gayong pinagpala mo siya? Iniingatan mo pati ang kanyang sambahayan at ari-arian. Subukin mong huwag siyang pagpalain, bagkus ay sirain ang lahat niyang tinatangkilik kung di ka niya sumpain.”

Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mo sa kanyang mga ari-arian, huwag mo lang siyang sasaktan.” At si Satanas ay umalis sa harapan ng Panginoon.

Isang araw, ang mga anak ni Job ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng pinakamatanda sa magkakapatid. Di kaginsa-ginsa, humahangos na dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming ipinag-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, nang may dumating na mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga baka at asno. Pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lamang po ang nakatakas.”

Hindi pa ito nakatatapos sa pagbabalita nang may dumating pang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Ang mga tupa at mga pastol ay tinamaan po ng kidlat at namatay na lahat; ako lamang po ang nakaligtas.”

Umuugong pa halos ang salita nito’y may dumating na naman. Ang sabi, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang mga pastol. Ako lamang po ang nakatakas.”

Hindi pa siya halos nakatatapos magsalita, may dumating pang isa at ang sabi, “Habang ang mga anak ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng pinakamatanda nilang kapatid, hinampas ng pagkalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po silang lahat at namatay. Ako lamang po ang natirang buhay.”

Tumindig si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya sa lupa at nagpuri sa Diyos. Ang sabi niya: “Hubad akong lumabas sa tiyan ng aking ina, hubad din akong babalik sa alabok. Ang Panginoon ang nagbibigay, siya rin ang kukuha. Purihin ang Panginoon!” Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi nagkasala si Job; hindi niya sinisi ang Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 2-3. 6-7

Daing ko’y ‘yong dinirinig tuwing ako’y humihibik.

Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.

Daing ko’y ‘yong dinirinig tuwing ako’y humihibik.

Hahatol ka sa panig ko sa pasiya mong ibibigay,
pagkat iyong natatanto ang tunay na katwiran.
Ang tibukin ng puso ko ay lubos mong nababatid,
sa piling ko, naroon ka’t kahit gabi’y nagmamasid;
ako’y iyong sinisiyasat, nasumpungan mong matuwid,
tapat ako kung mangusap, ang layunin ay malinis.

Daing ko’y ‘yong dinirinig tuwing ako’y humihibik.

Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik;
sa amin ay ipadama, yaong banal mong pag-ibig,
sa piling mo’y ligtas kami sa kamay ng malulupit.

Daing ko’y ‘yong dinirinig tuwing ako’y humihibik.

ALELUYA
Marcos 10, 45

Aleluya! Aleluya!
Anak ng Tao’y dumating
upang sarili’y ihain;
Lingkod, Manunubos natin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 9, 46-50

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. At sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumatanggap sa akin at tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”

Sinabi ni Juan, “Guro, nakita po namin ang isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan ninyo. Pinagbawalan namin siya sapagkat siya’y hindi natin kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan; sapagkat ang hindi laban sa atin ay kapanig natin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Share

Comments