Biyernes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)


Paggunita sa mga Anghel na Tagatanod



UNANG PAGBASA
Job 38, 1. 12-21; 40, 3-5

Pagbasa mula sa aklat ni Job

Sa gitna ng nag-aalimpuyong bagyo, ganito ang sinabi ng Diyos kay Job:
“Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang liwayway?
Ang daigdig ba ay iyong naigawa ng tanglaw,
upang ang masasama’y mabulabog sa taguan?
Dahil sa sikat ng araw ay nagliwanag ang lahat,
parang damit na inayos, ngayon ay nakahayag.
Sa liwanag ng araw natatakot ang masama,
pagkat ang karahasa’y hindi nila magagawa.”

“Napunta ka na ba sa pinagmumulan ng bukal?
Nakalakad ka na ba sa pusod ng karagatan?
May nakapagturo na ba sa iyo sa pintuan
na ang hantungan ay madilim na hukay?
Nalalaman mo ba ang sukat nitong mundo?
Kung may nalalaman ka, lahat ay sabihin mo.

“Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag,
o ang kadiliman, kung saan nagbubuhat?
Masasabi mo ba kung saan sila dapat humangga,
o sa pinanggalingan kaya’y mapababalik mo sila?
Ikaw ay matanda na baka nga iyong kaya,
pagkat likhain ang daigdig, ikaw ay bata na.”

Ang sagot ni Job:
“Narito, ako’y hamak, walang kabuluhan,
wala akong isasagot, bibig ay tatakpan.
Sa panig ko’y nasabi na ang lahat ng sasabihin,
ako’y di na kikibo, nasabi’y di na uulitin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 7-8. 9-10. 13-14ab

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

Saan ako magpupunta, upang ako’y makatakas?
Sa Banal mong Espiritu’y hindi ako makaiwas.
Kung langit ang puntahan ko, pihong ika’y naroroon,
sa Sheol ay naroon ka kung do’n ako manganganlong.

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

Kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko’y ang duluhan ng kanluran;
pihong ikaw ay naroon, upang ako’y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

ALELUYA
Salmo 94, 8ab

Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 13-16

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon sinabi ni Hesus, “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, disin sana’y malaon na silang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo upang ipakilalang sila’y nagsisisi. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa kaparusahan ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum,
Ibig mong mataas hanggang sa langit?
Ibabagsak ka sa Hades!
“Ang nakikinig sa inyo’y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo’y nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya:
Mateo 18, 1-5. 10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Naong sandaling iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.

“Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Share

Comments