Huwebes - Nobyembre 17, 2011.Ika-33 na Ordinaryong Linggo

Huwebes - Nobyembre 17, 2011     Ika-33 na Ordinaryong Linggo (Isabel ng Unggaria)


Unang Pagbasa                          1 Macabeo 2: 15-30

Tumangging Sumamba sa Diyus-diyosan
               15 Ang mga opisyal ng hari na inatasang pilitin ang mga taong sumamba sa mga diyus-diyosan ay nagtungo sa lunsod ng Modein upang utusan ang mga tagaroon na maghandog sa mga altar ng pagano. 16 Maraming Israelita ang lumapit at nagtipun-tipon sa paligid nila. Naroon din si Matatias at ang lima niyang anak. 17 Nilapitan si Matatias ng mga kinatawan ng hari at sinabi, "Ikaw ay pinunong iginagalang dito at sinusunod ng iyong mga kamaganak. 18 Manguna ka sa pagtupad sa utos ng hari, gaya ng ginawa ng mga Hentil at ibang mga taga-Judea at Jerusalem. Gawin mo lang ito ay tiyak na mapapabilang ka at ang iyong mga anak sa mga 'Kaibigan ng Hari', at gagantimpalaan ka niya ng pilak, ginto at iba pang regalo."
               19 Ngunit malakas na sumagot si Matatias, "Kahit lahat ng bansa ay sumunod sa hari at dahil dito'y nilabag nila ang pananampalatayang ipinamana ng kanilang mga ninuno, 20 kami ng aking sambahayan at mga kamag- anakan ay tutupad pa rin sa kasunduang ibinigay sa aming mga ninuno. 21 Huwag nawang ipahintulot ng Diyos na sumuway kami sa kanyang mga utos. 22 Hindi kami susunod sa gayong ipinagagawa ng hari at lalo namang hindi kami magtataksil sa aming relihiyon kailanman!"
               23 Katatapos pa lang na magsalita si Matatias nang isang kapwa Judio ang kitang-kitang lumapit sa dambanang nasa Modein at naghandog bilang pagsunod sa utos ng hari. 24 Nang makita ito ni Matatias, napoot siya gayunma'y makatuwiran ang pagkapoot niya. Nilapitan niya ito at pinatay sa harap ng dambana. 25 Pinatay rin niya ang sugo ng haring pumipilit sa mga tao na maghandog sa dambanang pagano. Pagkatapos, sinira niya ang dambana. 26 Sa ganitong paraan ipinakita niya ang kanyang pagmamalasakit sa Kautusan, gaya ng ginawa ni Finehas nang patayin nito si Zimri na anak ni Salu.
Ang Pakikipaglaban ni Matatias
               27 Matapos gawin ito, isinigaw ni Matatias sa buong lunsod ang ganito: "Sinumang tapat sa tipan ng Diyos at tumutupad sa kanyang mga utos ay sumunod sa akin!" 28 Pagkatapos nito, siya at ang kanyang mga anak ay namundok. Iniwanan nila ang lahat ng kanilang ari-arian sa lunsod.
               29-30 Ang marami, na naniniwalang dapat sundin ang utos ng Diyos at mga tuntunin ng kanilang relihiyon, ay lumabas din at sa ilang na nanirahan, kasama ang kani-kanilang sambahayan. Dinala rin nila ang kanilang mga kawan sapagkat abut-abot na ang kasamaang nararanasan nila.

Salmo                                          Awit 50: 1-15

Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
1 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,

ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.

2 Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,

makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

3 Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;

sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,

bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.

4 Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,

upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:

5 "Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,

silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog."

6 Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,

isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)

7 "Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;

ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;

ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.

8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,

ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,

9 bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,

maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.

10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,

maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.

11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,

at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 "Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,

yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.

13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?

At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?

14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;

ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.

15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;

kayo'y aking ililigtas,

ako'y inyong pupurihin."

Ebanghelyo (Gospel)                       Lucas 19: 41-44

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem
               41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, "Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng taong nasasakupan mo. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos."


ShareThis

Blogs commenting Fr. Jessie's post Technorati icon

Comments