Linggo - Nobyembre 20, 2011,Paghahari ni Kristo sa Sanlibutan



Linggo - Nobyembre 20, 2011     Paghahari ni Kristo sa Sanlibutan


Unang Pagbasa                             Ezekiel 34: 11-17

Si Yahweh ang Mabuting Pastol
               11 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: "Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. 12 Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. 13 Titipunin ko sila mula sa iba't ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan.14 Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan ng Israel. 15 Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. 16 Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, ngunit pupuksain ko ang mga malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang katarungan.
               17 "Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ng inyong Diyos na si Yahweh: Ako ang magiging hukom ninyo. Hahatulan ko kayo at ibubukod ang mga tupa sa mga kambing.

Salmo                                          Awit 23: 1-6

Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
1 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.

3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.

4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.

6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang,
siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

Pangalawang Pagbasa                 1 Corinto 15: 20-28

                20 Ngunit ngayong si Cristo'y muling binuhay, ito'y katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 21 Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. 22 Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. 23 Ngunit ang bawat isa'y may kani-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. 24 At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. 25Sapagkat si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 26 Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Ganito ang sinasabi ng kasulatan, "Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan." Ngunit sa salitang "lahat ng bagay," maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang papailalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa laha

Ebanghelyo (Gospel)                       Mateo 25: 31-36

Ang Paghuhukom
               31 "Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.'


Share

Comments