Biyernes - Disyembre 30, 2011,Banal na Pamilya

Biyernes - Disyembre 30, 2011 Banal na Pamilya
E

Unang Pagbasa Ecclesiastico 3:2-14
2 Sapagkat ang mga ama ay binigyan ng
Panginoon ng kapangyarihan sa mga anak,
at iniuutos niya na sundin ng mga anak ang kanilang ina.

3 Ang gumagalang sa kanyang ama'y nagbabayad na sa kanyang kasalanan,


4 at ang nagpaparangal sa kanyang ina'y parang nag-iimpok ng kayamanan.

5 Ang gumagalang sa kanyang ama'y
paliligayahin naman ng kanyang mga anak,
at ang panalangin niya'y agad diringgin ng Panginoon.

6 Pahahabain ng Diyos ang buhay ng nagpaparangal
sa kanyang mga magulang---
siya na sumusunod sa Panginoon.


7 Ang may paggalang sa Panginoong Diyos
ay gumagalang sa kanyang mga magulang,
at pinaglilingkuran niya ang kanyang magulang na parang panginoon niya.

8 Igalang mo ang iyong ama sa salita at sa gawa,
upang sumaiyo ang kanyang pagpapala.

9 Pinatatatag ng pagpapala ng isang ama ang pamumuhay ng mga anak,
ngunit ito ay sinisira ng sumpa ng isang ina.

10 Huwag mong ipagkakalat ang kahihiyan ng iyong ama,
sapagkat ang kanyang kahihiyan ay hindi mo ikararangal.

11 Ikararangal ng sinuman ang gumalang sa kanyang ama,
at kahihiyan ng mga anak ang di gumalang sa kanilang ina.

12 Anak, kalingain mo ang iyong ama kapag siya'y matanda na,
at huwag mo siyang dudulutan ng sama ng loob habang nabubuhay.

13 Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip;
huwag mo siyang lalapastanganin
ngayong nasa kasibulan ka na ng iyong lakas.

14 Ang paglingap mo sa iyong ama ay di malilimutan,
iyan ay magiging kabayaran sa iyong mga kasalanan.

Salmo Awit 105:1-9
Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel
1 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.

2 Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.

3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.

4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.

5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.

6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.

7 Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.

8 Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.

9 Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;


Pangalawang Pagbasa Colosas 3:12-21
12 Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya kayo sa isa't isa at magpatawad kayo kung may hinanakit kayo kaninuman. Magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, magmahalan kayo, sapagkat ang pag-ibig ang buklod ng ganap na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. 16 Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang inyong sasabihin o gagawin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.


Ang Pagsasamahang Nararapat
18 Mga babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.

19 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, at huwag kayong maging malupit sa kanila.

20 Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat iyan ang nakalulugod sa Panginoon.

21 Mga magulang, huwag ninyong pagagalitan nang labis ang inyong mga anak at baka masiraan sila ng loob.



Ebanghelyo (Gospel) Lucas 2:22-40
Dinala si Jesus sa Templo
22 Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23 sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon." 24 Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.


25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29 "Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.

30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,

31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

32 Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel."

33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso."

36 Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo, at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagaayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Nazaret
39 Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos.

Share

Comments