Huwebes - Enero 12, 2012, Unang Linggo ng Taon

Huwebes - Enero 12, 2012 Unang Linggo ng Taon



Unang Pagbasa 1 Samuel 4:1-11
Nalupig ang Israel
1 Dumating ang araw na nakipagdigmaan ang mga Israelita laban sa mga Filisteo. Sa Ebenezer nagkampo ang mga Israelita at sa Afec naman ang mga Filisteo. 2 Sumalakay ang mga Filisteo, at pagkalipas ng isang matinding labanan ay natalo nila ang mga Israelita; sila'y nakapatay ng halos apatnalibong kawal ng Israel. 3 Nang makabalik na ang mga nakaligtas sa kanilang kampo, nagtanungan ang matatandang namumuno sa Israel, "Bakit kaya pinabayaan ni Yahweh na matalo tayo ng mga Filisteo ngayon? Ang mabuti pa'y kunin natin sa Shilo ang Kaban ng Tipan upang samahan tayo ni Yahweh. Siguro kung nasa atin iyon ay ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway." 4 At kinuha nga nila sa Shilo ang Kaban ng Tipan, na kung saan si Yahweh ay nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Sumama sa kanila ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

5 Napasigaw sa tuwa ang mga Israelita nang dalhin sa kanilang kampo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Halos nayanig ang lupa sa lakas ng kanilang sigawan. 6 Nang marinig ito ng mga Filisteo, itinanong nila, "Bakit kaya napakaingay sa kampo ng mga Hebreo?"

Nang malaman nilang nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, 7 natakot sila. Sinabi nila, "May dumating na mga diyos sa kampo ng mga Israelita. Nanganganib tayo ngayon! Ngayon lamang nangyari ito sa atin! 8 Kawawa tayo! Sino ngayon ang makakapagligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba't ibang salot. 9 Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo matalo at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo!"

10 Lumaban nga ang mga Filisteo at ang mga Israelita ay natalo na naman. Ang napatay sa kanila ay 30,000 at nagkanya-kanyang takas pauwi ang mga natira. 11 Nakuha ng mga Filisteo ang Kaban ng Diyos, at kanilang pinatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

Salmo Awit 44:10-25
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.

11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.

12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.

13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.

14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.

15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.

16 Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.

17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.

18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.

19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.

20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,

21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.

22 Dahil po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.

23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.

24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.

25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.


Ebanghelyo (Gospel) Marcos 1:40-45
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin
40 Isang taong may ketong ang lumapit kay Jesus, lumuhod ito at nagmakaawa, "Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis."

41 Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, "Oo, nais ko! Gumaling ka!" 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. 43 Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus 44 at pinagsabihan ng ganito: "Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na."

45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa labas ng bayan subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.

Share

Comments