Huwebes - Enero 19, 2012,Ika-2 Linggo ng Taon

Huwebes - Enero 19, 2012 Ika-2 Linggo ng Taon



Unang Pagbasa 1 Samuel 24:3-21
3 Nang mapatapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, dumumi si Saul sa loob ng kuweba sa tapat ng mga kulungan ng tupa. Nagkataon namang si David at ang kanyang mga tauhan ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon. 4 Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, "Ito na ang katuparan ng sinabi ni Yahweh na, 'Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.' " Dahan-dahang lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuotan ni Saul. 5 Nang magawa niya ito, inusig siya ng kanyang budhi sapagkat para na niyang nilapastangan ang hari. 6 Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, "Huwag nawang itulot ni Yahweh na gawan ko ng masama ang hari na kanyang hinirang." 7 Pinakiusapan ni David ang kanyang mga kasama na huwag saktan si Saul. Tumayo na si Saul at umalis.

8 Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at sumigaw, "Mahal kong hari!" Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David. 9 Sinabi niya, "Bakit po kayo naniniwala sa mga nagsasabi sa inyo na gusto ko kayong patayin? 10 Mapapatunayan ko sa inyo na hindi totoo iyon. Kanina sa yungib ay binigyan ako ni Yahweh ng pagkakataong mapatay kayo. Gusto na ng mga tauhan kong patayin kayo ngunit hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari sapagkat siya'y pinili ni Yahweh. 11 Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito'y naputol ko sa inyong kasuotan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin. 12 Hatulan nawa tayong dalawa ni Yahweh. Siya na ang magpaparusa sa inyo ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay. 13 Gaya ng kasabihan ng matatanda, 'Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,' kaya't hindi ko kayo pagbubuhatan ng kamay. 14 Sino ba ako upang hanapin ng hari ng Israel? Isang patay na aso o pulgas lamang ang aking katulad! 15 Si Yahweh nawa ang humatol sa ating dalawa. Magsiyasat nawa siya, at ipaglaban ako at iligtas sa iyong mga kamay."

16 Pagkatapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, "David, anak ko, ikaw nga ba iyan?" At siya'y tumangis. 17 Sinabi pa ni Saul, "Tama ka, David, at ako'y mali. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo. 18 Ito'y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinatay kahit inilagay na ako ni Yahweh sa iyong mga kamay. 19 Bihira sa tao ang makakagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ni Yahweh sa ginawa mong ito sa akin. 20 Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at sigurado akong magiging matatag ang kaharian sa ilalim ng iyong kapangyarihan. 21 Ipangako mo sa pangalan ni Yahweh, na hindi mo uubusin ang aking lahi at hindi mo buburahin sa daigdig ang pangalan ng aking angkan."

Salmo Awit 57:2-11
2 Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.

3 Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig,
ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)

4 Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.

5 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

6 Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)

7 Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.

8 Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.

9 Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.

10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.

11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!


Ebanghelyo (Gospel) Marcos 3:7-12
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, 8 sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. 9 Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" 12 Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya.

Share

Comments