Lunes - Enero 2, 2012, Bago Mag-Epifania (Basiliong Dakila at Gregorio Nasianseno)

Lunes - Enero 2, 2012 Bago Mag-Epifania (Basiliong Dakila at Gregorio Nasianseno)


Unang Pagbasa 1 Juan 2:22-28
22 Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang sinumang nagsasabi nito ay ang anti-Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. 23 Ang di kumikilala sa Anak ay di rin kumikilala sa Ama. Kapag kinilala ninuman ang Anak, kinikilala rin niya ang Ama.

24 Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.

26 Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. 27 Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang magtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng ituturo niya ay totoo, at ito'y walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.

28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mapahiya sa kanya sa araw na iyon.

Salmo Awit 98:1-4
Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo
1 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.

2 Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.

3 Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

4 Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Ebanghelyo (Gospel) Juan 1:19-28
Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo
19 Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. 20 Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, Hindi ako ang Cristo.

21 Sino ka kung gayon? tanong nila. Ikaw ba si Elias?

Hindi ako si Elias, tugon niya.

Ikaw ba ang Propeta?

Sumagot siya, Hindi rin.

22 Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili? tanong nilang muli.

23 Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias,

"Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,
Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon."

24 Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. 25 Muli nilang tinanong si Juan, Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?

26 Sumagot si Juan, Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.

28 Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.


Share

Comments