Liham Pastoral sa Pagdiriwang ng Taon ng Pananampalataya



Mga minamahal na kapatid kay Kristo,


Ipinahayag ni Papa Benito XVI sa kanyang Liham Apostoliko Porta Fidei ang Taon ng Pananampalataya na pasisimulan sa ika-11 ng Oktubre 2012 at magtatapos sa ika-24 ng Nobyembre 2013, ang Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari. Inaanyayahan ang buong Simbahan na ipagdiwang ang natatanging kaloob ng pananampalataya, na muli itong tanggapin at maligayang ipahayag at ibahagi. Ang minamahal nating Arkidiyosesis ng Maynila ay nakikiisa sa Simbahan sa buong mundo sa pagsalubong sa 



Ang Dahilan ng Taon ng Pananampalataya


Masusing pinili ang petsa ng pagbubukas ng Taon ng Pananampalataya. Ipinaliliwanag nito ang layunin ng Santo Papa. Ika-limampung anibersaryo ng pagbubukas ng Ikalawang Konsilyo Vaticano (1962) at ika-dalawampung anibersaryo ng pagpapasinaya sa Katesismo ng Simbahang Katoliko (1992) sa ika-11 ng Oktubre 2012. Ang kahalagahan ng dalawang pangyayaring ito ang nagtatakda ng diwa ng Taon ng Pananampalataya.

Sa ating panahon, ang Ikalawang Konsilyo Vaticano ang dakilang pagkakataon ng pagpapanibago ng pananampalataya. Ninais ni Beato Papa Juan XXIII na sa pamamagitan ng Konsilyo “umunlad ang simbahan sa yamang espiritwal at walang takot niyang tatanawin ang kinabukasan taglay ang sigla mula sa bagong sigasig na ibinunga nito.” Ang pagpapanibago ng Simbahan ay nagmumula sa muling pagtuklas ng kanyang mayamang pamanang espiritwal. Ang pagpapanibago na dulot ng Vatican II ay hindi nagbunga ng bagong Simbahan na walang ugnayan sa nakaraan. Upang matiyak ang tamang pag-intindi sa Konsilyo, dapat iwasan ang pagturing sa “simbahan pagkatapos ng Vatican II” (Post-Vatican II Church) na tila humahamak at nagtutuwid sa “simbahan bago ang Vatican II” (Pre-Vatican II Church) sa pamamagitan ng pagsasantabi sa Tradisyon, na tila baga ang lahat ng pangyayari matapos ang Konsilyo lamang ang dapat ituring na mabuti samantalang ang mga nauna dito ay masama. Hindi rin tama na ituring ang Vatican II bilang paglihis sa Pananampalatayang Apostoliko na tila ba huminto sa pag-iral ang tunay na Simbahan pagkatapos ng Vatican II. Ang bahagyang pagsulyap sa sanggunian (footnotes) ng labing-anim na dokumento ng Konsilyo ay nagpapaliwanag na may tiyak na pagpapatuloy ng Simbahan sa kasaysayan, ang pagpapatuloy ng pananampalataya na ginagabayan ng Banal na Espiritu. Hinihimok tayo ng Taon ng Pananampalataya na muling pag-aralan ang Ikalawang Konsilyo Vaticano at ang bunga nitong Katesismo ng Simbahang Katoliko upang matuklasan muli ang sigla ng pananampalataya na minana natin.

Bukod sa pagdiriwang ng Vatican II at Katesismo ng Simbahang Katoliko, inaanyayahan din tayo ng Taon ng Pananampalataya sa masusing pagsiyasat sa makabagong mundo kasama ang kagandahan gayundin ang mga sugat nito. Tinatanggap, ipinagdiriwang at isinasabuhay ng Simbahan ang pananampalataya sa iba’t ibang kalagayan ng kasaysayan kasama ang mga bukod-tanging mithiin at hamon nito. Ang pagpapanibagong pinasimulan ng Vatican II ay nagsasaalang-alang sa nagaganap sa makabagong panahon. Sa loob ng Taon ng Pananampalataya, pupulungin ang Sinodo ng mga Obispo upang pagnilayan ang Bagong Ebanghelisasyon. Makaraan ang limampung taon pagkatapos ng Vatican II, nasaksihan ng mundo ang maraming pagbabago na nagtatakda ng mga bagong hamon at banta sa pananampalataya at pagpapahayag nito. Hindi ito lingid sa Pilipinas lalo na ang mga lugar na nasasakop ng Arkidiyosesis ng Maynila. Ngunit naniniwala rin tayo na ang kasalukuyang mundo, lalo na ang mga kabataan at mga dukha, ay nagpapahayag ng malalim na paghahanap sa Diyos na dapat tuklasin ng Simbahan. Samakatuwid ang Taon ng Pananampalataya ay paanyayang pakinggan ang hinaing at mithiin ng mga tao at ng lipunan sa ating panahon upang maipakilala si Hesukristo sa kanila gamit ang mga makabagong pamamaraan, pagpapahayag at sigla. Ito ay taon ng pakikinig at taon ng misyon din.



Ang Pagkilos ng Pananampalataya at ang Taon ng Pananampalataya


Buhay at kumikilos ang pananampalataya. Naghahandog ang Diyos ng tipanan at ugnayan sa atin. Nagbukas ang Diyos ng pintuan ng pananampalataya, tungo sa buhay ng pakikipagkaisa sa Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang panghabambuhay na pakikipagtagpo at pakikipag-ugnayan sa Banal na Santatlo ay nagaganap sa loob ng Simbahan. Ang Simbahan ay pamayanan ng pananampalataya, ang bunga at tagapaghatid ng pananampalataya at tagapagpahayag ng Mabuting Balita sa mundo.

Sa pagbabad natin sa pananampalataya ng Simbahan at sa kanyang misyon sa mundo ngayong Taon ng Pananampalataya, hinahamon tayong makilahok sa ganap na pagpapaunlad ng pananampalataya na may mga sumusunod na sangkap:

a) Mas malalim na pag-unawa sa mga sinananampalatayan natin sa pamamagitan ng pinag-ibayong programa ng apostolado sa Bibliya, pag-aaral ng mga dokumento ng Vatican II at ng mga katuruan na ibinunga nito tulad ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, Ikalawang Konsilyo Probinsiyal ng Maynila at ang Katesismo ng Simbahang Katoliko,

b) Pinanibagong pagpapahalaga at pagdiriwang ng misteryo ng pananampalataya sa pagdiriwang ng liturhiya, ng mga sakramento at sa panalangin

c) Masayang pagsasabuhay ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagbabagong buhay, isang tuwid na buhay na pinaghaharian ng katarungan at pag-ibig, pakikiisa at pagmamalasakit sa mga dukha at matapang na pagpapatotoo sa ating pananampalataya,

d) Muling pagtuklas ng pagkakaisa sa Simbahan kung saan ang iba’t ibang kaloob ng Espiritu Santo ay inihahandog, ibinabahagi at nililinang upang itaguyod ang Simbahan at paglingkuran ang misyon nito sa ating bayan at sa ibang bansa.

Naniniwala tayo na bilang mga Kristiyano pinakikilos tayo ng pag-ibig ni Kristo na magtaguyod ng isang mundo na pamamayanihan ng katotohanan, katarungan, pagkakaisa at kapayapaan. Pinasisimulan din ng taon ng Pananampalataya ang siyam na taong paghahanda ng Simbahan sa Pilipinas para sa ika-limang daang anibersaryo ng pagdating ng Pananampalatayang Katoliko sa ating bayan. Kasama si Maria bilang huwaran at gabay, salubungin natin ang Taon ng Pananampalataya sa Arkidiyosesis ng Maynila at manalig na mamumunga ito nang sagana para sa Simahan at sa sangkatauhan.

Ibinigay ngayong ika-28 ng Setyembre 2012, Paggunita kay San Lorenzo Ruiz ng Maynila at mga kasamang martir.



(signed)
+Luis Antonio G. Tagle
Arsobispo ng Maynila
Share

Comments