Sulat para sa mga kongresista ng apat na distrito ng laguna

(Babasahin sa lahat ng Misa sa mga parokya na nasasakupan ng Diyosesis ng San Pablo)


An Open Letter to the Congressmen
of the Four Districts of Laguna


Mga minamahal Naming Kongresista ng Laguna,


Ang pagpapasa ng House Bill 4244  -- o ng Reproductive Health Bill -- sa ikalawang pagbasa nito noong ika-13 ng Disyembre ay nakapanlulumo at nakalulungkot. Subalit hindi ito nakapanghihina sa determinasyon ng Simbahan na patuloy na ipaglaban ang buhay at karapatan ng tao."Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman" (Juan 1:5).

Sa usaping ito, isinaalang-alang sana ang katotohanan na "ang ikabubuti ng lahat ng lipunan ay hindi isang layunin sa kanyang sarili; ito ay may halaga lamang kung ito ay may kinalaman sa pagkakamit ng pinaka-huling layunin (ultimate ends) ng tao at ng pangkalahatang ikabubuti ng buong sangnilikha" (Compendium of the Social Doctrines of the Church, 170). Ang posibilidad ng pagbubuo at pagkakaroon ng buhay sa sinapupunan ay hindi kailanman maaaring isakripisyo alang-alang sa kaligayahang sekswal ng mag-asawa o pleasurable sex. Ang karapatan ng walang-kalaban-labang sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina ay hindi kailanman maaaring isakripisyo para sa karapatan ng kababaihan. Ang karapatan at kalayaan ng mga mag-asawa na hubugin at ituro sa kanilang mga anak ang kabanalan ng pag-iisang dibdib, kailanman ay hindi dapat isuko sa pamahalaan.

Bagaman ang mga nagsusulong ng panukalang batas na ito ay nagsasabi na ito ay para sa ikabubuti ng kababaihan, ng kabataan, at ng bawat pamilya; sa huli, ang pagpapasa sa RH bill ay mapanganib. "Kapag ang kunsensya ng tao ay nawalan ng respeto sa kabanalan ng buhay, hindi maiiwasang mawalan rin siya ng pagkakakilanlan" (cf. Joseph Ratzinger,Christianity and the Crisis of Cultures, [San Francisco: Ignatius Press, 2005], 60).

Batid na natin ngayon ang mga kongresista na may pagpahahalaga sa wastong kunsensiya at buhay-moral. Sila ang mga mambabatas na may kakayahang manindigan para sa ikabubuti ng lahat nang hindi nagpapadala sa dikta ng kanilang mga partidong pulitikal o ng mga pribadong institusyong nanunuhol upang isulong ang mga makasariling layunin. Ang mga mambabatas na ito ay matibay na halimbawa ng pulitikong naniniwala na "hindi maihihiwalay ng tao ang kanyang sarili sa Diyos, ng pulitika sa moralidad" (Beato Juan Pablo II, Sulat Apostolika ukol kay Thomas Moore, 4).

Mga pinagpipitagan at minamahal Namin mga kaanib ng Mababang Kapulungan ng Kongreso -- lalung-lalo na ang mga mambabatas mula sa mga distrito ng Lalawigan ng Laguna -- sa Lunes, Disyembre 17 -- isang linggo bago ang kapanganakan ng Banal na Sanggol -- pupunta kayo sa Kongreso upang pagpasyahan ang RH bill. Inaanyayahan po Namin kayo na bago kayo magtungo sa Kongreso, humalik po kayo sa inyong mga magulang at paki-sabi sa kanila na ang mga halik na iyon ay halik ng lahat ng mga kaanib ng Simbahang Katolika sa Diyosesis ng San Pablo. Iyon po ay tanda ng pagpapasalamat sa kanila dahil sa pagluluwal nila ng isang kongresista na katulad niyo. Pakiyakap din po at pakihalikan ang inyong mga anak. Paki-sabi po, espesyal na halik iyon mula sa Obispo ng San Pablo, tanda na patuloy Namin ipaglalaban ang karapatan nila at ng lahat ng tao, lalung-lalo na ang mga sanggol sa sinapupunan ng kanilang mga ina...patuloy Namin na paiigtingin ang liwanag sa gitna ng kadiliman ng gabi.




Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Hesukristo!


+ LEO M. DRONA, SDB, D.D.
Obispo ng San Pablo


15 Disyembre 2012


Share

Comments