Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay Juan 5, 17-30
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Ang aking Ama’y patuloy sa paggawa, at gayun din ako.” Lalong pinagsikapan ng mga Judio na patayin siya sapagkat nilabag na niya ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga ay sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayo’y ipinapantay ang sarili sa Diyos.
Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus, “Dapat ninyong malaman na walang ginagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang ginagawa lamang niya’y ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak. Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at ipinakikita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga ito ang mga gawang ipakikita sa kanya ng Ama at manggigilalas kayo. Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayun din naman, bubuhayin ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. Hindi humahatol kaninuman ang Ama. Ibinigay niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol upang parangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagsugo sa Anak.
“Sinasabi ko sa inyo: Ang nakikinig sa aking salita at nananalig sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi inilipat na sa buhay mula sa kamatayan. Tandaan ninyo: darating ang panahon – ngayon na nga – na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. Ang Ama ang may kapangyarihang magbigay-buhay at ang Anak ay binigyan niya ng kapangyarihang magbigay-buhay. Binigyan din siya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya ang Anak ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. Sila’y muling mabubuhay at lalabas sa kinalilibingan nila. Lahat ng gumawa ng mabuti ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at lahat ng masama ay parurusahan.”
“Wala akong ginagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol ko; hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”
Comments
Post a Comment