“Pero tingnan ninyo kung paano ipinakikita ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa atin: namatay si Kristo para sa atin noong makasalanan pa tayo.” (Roma 5:8)
Liham Pastoral ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)
Ukol sa Parusang Kamatayan
“Pero tingnan ninyo kung paano ipinakikita ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa atin:
namatay si Kristo para sa atin noong makasalanan pa tayo.” (Roma 5:8)
Ngayong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, ang Ebanghelyo ayon kay San Juan ay nangungusap sa atin kung paanong ang isang Samaritana - na natagpuan kay Hesus, ang tubig na nagbibigay-buhay na matagal na niyang hinahangad- ay iniwan ang kanyang banga sa balon (Juan 4:28).Gaya ng Samaritana, ang mga Israelita na may katigasan ng puso sa Unang Pagbasa,na halos mamatay na sa matinding pagkauhaw sa disyerto,ay dinala patungo sa isang bato (Exodo 17:6). Marahil ay maaari nating isipin na ang batong ito ay si Hesus mismo na pinahirapan at pinagpakasakit sa Krus ngunit sa Kanya’y dumaloy ang tubig na nagbibigay buhay. Dahil kay Hesus, naging ganap sa Bayan ng Diyos ang pagtawid sa tigang na disyerto ng galit, kasalanan at kamatayan patungo sa lupang pangako at kaganapan ng buhay. Minamahal na mga kapatid kay Kristo, huwag nating hayaang malason angating mga balon ng mapait na tubig ng paghihiganti at kamatayan; itaguyod natin ang kabanalan ng buhay at manindigan laban sa parusang kamatayan.
Hindi tayo bingi sa mga hinaing ng mga biktima ng mga karumal-dumal na krimen. Ang mga biktima at ang nangbiktima ay parehong mga kapatid natin. Ang biktima at ang nang-api ay parehong anak ng Diyos. Sa mga maysala, iniiwan namin ang hamon na pagsisihan at magbayad-puri sa mga kasalanan nilang nagawa. Sa mga nagdadalamhating mga biktima, ipinaaabot namin sa inyo angaming pagmamahal, habag at pag-asa.
Sa araw na ang batas sa parusang kamatayan ay pinawalang-bisa ng Kongreso sa Pilipinas noong ika-24 ng Hunyo, taong 2006, ang mga ilaw sa Colosseum sa Roma ay sinindihan. Ipinapahayag ng kasaysayan na maraming tao mula sa kanila- mga hindi mabilang na Kristiyanong martir—ang ipinapatay sa harapan ng publiko sa hindi kanais-nais na lugar na iyon. Marahil upang burahin ang kadilimang bunga ng isang hindi makataong kaganapan na naiuugnay sa naturang colosseum,ang mga mamamayan ng Roma ay iniilawan ang pook na ito sa tuwing may isang bansa na magdesisyong ipawalang-bisa ang batas sa parusang kamatayan. Ang bawat pagsisindi ng ilaw ay sumisimbulo sa paghakbang patungo sa makataong sibilisasyon. Nais ba nating baligtarin ang paghakbang o pag-unlad na ito sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa Pilipinas?
Miyerkules ng Abo nang ang mga miyembro ng mababang-kapulungan sa kongreso, sa ikalawang pagbasa ng batas patungkol sa parusang kamatayan,ay bumoto sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang mga tinig- kung saan nanalo ang mga oo (ayes) laban sa hindi (nayes). Ang kabalintunaanay mayroong mga mambabatas na nakita pa sa telebisyon na sumisigaw ng kanilang pagsang-ayon sa parusang kamatayan na mayroong krus na abo sa kanilang mga noo. Nalimutan na kaya nila kung ano ang kahulugan ng krus na iyon? Hindi ba nila nakita ang magkasalungat na kahulugan ng kanilang boto at ng krus na nasa kanilang mga noo, nasana’y nagsilbing isang malakas na tinig ng pagpapahayag ng kanilang pananampalataya sa Diyos, na dahil sa pagmamahal sa atin, ay piniling mag-alay ng Kanyang buhay para sa ating kaligtasankaysa makita tayong mamatay (Juan 3:16)?
Hindi nakapagtataka na ang parusang kamatayan ay umiiral sa maraming bansa sa buong mundo. Malimit itong binibigyang paliwanag sa pamamagitan ng pagtingin sa prinsipyo ng katarungan na nakabatay sa paghihiganti – “mata sa mata, ngipin sa ngipin” (Mateo 5:3)- kung saan hinahamon tayo ni Hesus na palitan ito ng higit na prinsipyo ng hindi paghihiganti ng masama sa masama, bagkus ay nagmumula sa habag at awa (Lucas 6:36). Alam natin mula sa kasaysayan na ang parusang kamatayan ay malimit na ginagamit ng mga mapanggipit na pamahalaan bilang pamamaraan sa kanilang pagsupil sa mga hindi sumasang-ayon sa kanila, o pagtatanggal sa mga kinikilalang balakid o panganib sa kanilang pamumuno sa larangan ng kapangyarihang politikal. Alalahanin natin kung paanong si Herodes ng Antipas ay pinapugutan ng ulo si Juan Bautista, o kung bakit hinayaan ni Poncio Pilato si Hesus na ipako sa Krus. Alalahanin natin ang maraming Kristiyanong martir naipinapatay dahil lamang sa galit sa ating pananampalataya.
Sa mga taong ginagamit ang Bibliya upang itaguyod ang parusang kamatayan, kailangan pa ba nating tukuyin kung gaano na karaming mga krimen laban sa sangkatauhan ang nabigyang katwiran sa maling paggamit ng Bibliya? Buong kababaang-loob naming hinihikayat sila na bigyan ng tamang pang-unawa ang laman ng Bibliya, basahin ang mga salita bilang isang nagpapatuloy at umuunlad na pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang kalooban sa sangkatauhan na nagkaroon ng pangunahing kaganapan kay Hesukristo, ang ganap na Salita ng Diyos sa mundo. Dumating siya “hindi upang buwagin ang batas bagkus ay dalhin ito patungo sa kaganapan” (Mateo 5:17). Hindi kailanman naging tagapagtaguyod ng kahit anumang anyo ng legal na pagpatay si Hesus. Ipinagtanggol Niya ang nakiapid na babae laban sa mga naghangad ng pagdanak ng kanyang dugo at hinamon ang mga taong walang kasalanan na unangmaghagis ng bato sa kanya (Juan 8:7).
Kahit na sa pinakamahusay na intensiyon o hangarin, ang parusang kamatayan ay hindi napatunayang epektibo sa pagpuksa sa anumang krimen. Kalimitan ay mas madaling puksain ang mga kriminal kaysa labanan o puksain ang ugat na pinagmumulan ng krimen sa lipunan. Ang kombinasyon ng parusang kamatayan at ang hindi maayos na sistemang legal ay magdudulot pa ng mas malagim na kalagayan. At sa kahit anumang makataong lipunan, wala pa ring kasiguraduhan na ang legal na sistema ay hindi magkakaroon ng pagkakamali o kakulangan. Sa ganitong paraan, angmga taong walang kakayahang-pinansyal ang silang unang mapapatawan ng kaparusahan dahil sa kawalan ng kakayahang makakuha ng isang mahusay na abogado at dumaan sa isang makatarungang proseso. Kung maisasagawang batas, ang parusang kamatayan ay salungat sa pangunahing karapatan ng taong mabuhay. Ito aynakasaad sa mga Saligang-Batas ng maraming bansa na nilagdaan sa Pangkalahatang Pagpapahayag ng Karapatang-Pantao o Universal Declaration of Human Rights.
Sama-sama tayong manalangin nang mataimtim para sa mga mambabatas ngating bansa habang kanilang pinaghahandaan ang pagboto sa parusang kamatayan sa Senado ng Pilipinas. Ialay natin ang lahat ng mga misa para sa kanila. Hilingin natin sa Nakapakong Panginoon, na nag-alay ng Kanyang buong buhay, katawan at dugo para sa ikaliligtas ng mga makasalanan, na hipuin ang kanilang mga konsensiya at kamalayan at gabayan sila upang buwagin ang parusang kamatayan.
Mula sa Catholic Bishops’ Catholic of the Philippines, 19 Marso 2017, Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
+SOCRATES B. VILLEGAS, D.D.
Arsobispo ng Lingayen Dagupan
Pangulo, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines
Comments
Post a Comment