Huwebes ng Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)




UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 1-11

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

At ngayo’y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang ebanghelyo na inyong tinanggap at naging saligan ng iyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito’y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo – liban na nga lamang kung kayo’y sumampalataya na di iniisip ang inyong sinampalatayanan.

Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon.

Sa kahuli-huliha’y napakita rin siya sa akin – bagamat ako’y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan. Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos. Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako’y naging apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagamat hindi ito sa sarili kong kakayanan kundi sa tulong ng Diyos sa akin. Kaya’t maging ako o sila – ito ang ipinangangaral namin, at ito ang pinananaligan ninyo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 28

Butihing Poo’y purihin pag-ibig n’ya’y walang maliw.
O kaya: Aleluya.

O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”

Butihing Poo’y purihin pag-ibig n’ya’y walang maliw.

Ang lakas ng Poon
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay
sa pakikibaka sa ating kaaway.
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.

Butihing Poo’y purihin pag-ibig n’ya’y walang maliw.

Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako’y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.

Butihing Poo’y purihin pag-ibig n’ya’y walang maliw.

ALELUYA
Mateo 11, 28

Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 7, 36-50

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, inanyayahan si Hesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumaroon siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. Sa bayan namang yaon ay may isang babae na kilalang makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa bahay ng Pariseo, kaya’t nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. At lumapit siya sa likuran ni Hesus, sa gawing paanan. Siya’y nanangis at nabasa ng kanyang luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinagkan, at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong nag-anyaya kay Hesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kanya — isang makasalanan!” Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Hesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot siya, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang taong nanghiram sa isang nagpapautang; ang isa’y limandaang denaryo at ang isa nama’y limampu. Nang hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sino sa kanilang ang lalong nagmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po’y ang pinatawad ng malaking halaga.” “Tama ang sagot mo,” ang tugon ni Hesus. Nilingon niya ang babae, at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan, ngunit siya, mula nang pumasok siya ay hindi tumigil sa paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo, subalit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya’t sinasabi ko sa iyo, ang malaking pagmamahal na ipinamamalas niya ang nagpapatunay na ipinatawag na ang marami niyang kasalanan; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti lang ang pagmamahal na ipinamamalas.” Saka sinabi sa babae, “Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan.” At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong pati pagpapatawad sa kasalanan ay pinangangahasan?” Ngunit sinabi ni Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananalig; yumaon ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Posted by Jessie Somosierra on Wednesday, September 16, 2020
Share

Comments