Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumangis!
UNANG PAGBASA
1 Corinto 12, 31 – 13, 13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Buong taimtim ninyong nasain ang mga kaloob na lalong dakila. At ngayo’y ituturo ko sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.
Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong batingaw na umaalingawngaw o pompiyang na tumataginting. Kung ako man ay may kakayahang maghayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya anupat napalilipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. Ipamigay ko man ang lahat kong ari-arian, at ialay ko man ang aking katawan upang sunugin, kung wala naman akong pag-ibig, walang kabutihang maidudulot ito sa akin.
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi nananaghili, nagmamapuri, o nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. Hindi pa lubos ang ating kaalaman at ang kakayahan sa pagpapahayag ng salita ng Diyos; ngunit pagdating ng ganap, mawawala ang di ganap.
Noong ako’y bata pa, nagsasalita ako, nag-iisip at nangangatwirang tulad ng bata. Ngayong ako’y mayroon nang sapat na gulang, iniwan ko na ang mga asal-bata. Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salaminm ngunit darating ang araw na makikita natin siya nang mukhaan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon; ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng pagkakilala sa aking ng Diyos.
Ang tatlong ito’y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 2-3. 4-5. 12 at 22
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tutog ng alpang marilag!
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
Mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k
Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 31-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ng Panginoon, “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ngayon? At ano ang nakakatulad nila? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro:
‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumangis!
Sapagkat naparito si Juan Bautista na nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, at sinasabi ninyo, ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ Naparito naman ang Anak ng Tao, na kumakain at umiinom tulad ng iba, at sinasabi ninyo, ‘Masdan ninyo ang taong ito! Matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga publikano at ng mga makasalanan!’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang matuwid sa pamamagitan ng kanyang mga anak.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Posted by Jessie Somosierra on Wednesday, September 16, 2020
Comments
Post a Comment