Amos 9:11-15
11 Itatayo ko uli sa araw na iyon ang bumagsak na tolda ni David at kukumpunuhin ang mga sira at ibabangon ang mga guho, itatayo kong gaya ng dati. 12 Sasakupin nila ang nalabi sa Edom at ang mga kalapit-bansang nakalaan sa pangalan ko. Ito ang sabi ni Yawe na gagawa ng lahat ng ito. 13 Sabi pa ni Yawe: “Dumarating ang mga araw na lalampasan ng nag-aararo ang nag-aani, ng pumipisa ng ubas ang nagtatanim. Tutulo ang bagong alak sa mga bundok at matutunaw ang lahat ng burol. 14 Ibabalik ko mula sa pagkatapon ang bayan kong Israel; itatayo nilang muli ang wasak na mga lunsod at maninirahan doon. Magtatanim sila ng mga ubas at iinumin ang alak nito, magkakaroon sila ng halamanan at kakanin ang bunga ng mga iyon. 15 Papag-uugatin ko sila sa sarili nilang lupain at hindi na sila bubunutin pa mula sa lupaing bigay ko sa kanila,” sabi ni Yawe na inyong Diyos.