Huwebes - Disyembre 29, 2011, Ika-5 na Araw ng Pagdiriwang ng Pasko (Tomas Becket)

Huwebes - Disyembre 29, 2011,Ika-5 na Araw ng Pagdiriwang ng Pasko (Tomas Becket)


Unang Pagbasa 1 Juan 2:3-11
3 Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. 4 Ang nagsasabing, "Nakikilala ko siya," ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. 5 Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos. Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya. 6 Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo.

Ang Bagong Utos
7 Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na sa simula pa. Ito'y ang mensaheng narinig na ninyo. 8 Ngunit, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo; sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin.

9 Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. 10 Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba. 11 Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya nalalaman ang kanyang pupuntahan, sapagkat binulag siya ng kadiliman.

Salmo Awit 96:1-6
Diyos ang Kataas-taasang Hari
1 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!

2 Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.

3 Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

4 Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.

5 Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.

6 Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.

Ebanghelyo (Gospel) Lucas 2:22-35
Dinala si Jesus sa Templo
22 Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23 sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon." 24 Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.

25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29 "Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.

30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,

31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

32 Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel."

33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso."


Share

Comments