Genesis 3


3   1 Pinakatuso ang ahas sa lahat ng mababangis na hayop na ginawa ni Yawe-Diyos. Sinabi nito sa babae: “Sinabi ba talaga ng Diyos – Hindi kayo dapat kumain ng bunga ng alinmang puno sa hardin?” Sinabi ng babae sa ahas: “Ma­kakain namin ang mga bunga ng mga puno sa hardin, ngunit para sa bunga ng punong nasa gitna ng hardin sinabi ng Diyos – Huwag ninyong kakanin iyon ni hipuin man lang, kung hindi’y mama­matay kayo.”

Sinabi ng ahas sa babae: “Hindi kayo mamamatay, ngunit alam ng Diyos na sa oras na kainin ninyo iyon, mamumulat ang inyong mga mata at matutulad kayo sa mga diyos na alam ang mabuti at ma­sama.”

Sa tingin ng babae ay katakam-takam ang bunga ng puno at masarap kainin – at tunay na magandang pa­raan upang magtamo ng kaalaman. Kaya pumitas siya ng mga bunga niyon at kumain, at inabutan niya ka­agad ang kanyang asawa na kasama niya. At kumain din iyon.

Namulat sila kapwa at nalaman nilang sila ay hubad. Kaya pinagtagni-tagni nila ang mga dahon ng igos at ginawa nilang tapi.

Narinig nila ang yabag ni Yawe-Diyos na namamasyal sa hardin sa ma­lamig na hangin ng hapon. At nagtago sa likod ng mga puno sa hardin ang lalaki at ang babaeng asawa nito upang hindi sila makita ni Yawe-Diyos. Tinawag ng Diyos ang lalaki, at sinabi: “Nasaan ka?” 10 Sumagot siya: “Na­ri­nig ko ang iyong tinig sa hardin at natakot ako dahil ako’y hubad, kaya ako nag­tago.” 11 Sinabi ng Diyos: “Sino ang nag­sabi sa iyong hubad ka? Ku­main ka ba ng bunga ng puno na iniutos kong huwag ninyong kanin?” 12 Sumagot ang lalaki: “Ang babaeng isinama mo sa akin – siya ang nag-abot sa akin ng bu­nga mula sa puno, kaya kumain ako.”

13 Sinabi ng Diyos sa babae: “Ano ang ginawa mo?” Sumagot ang babae: “Ni­linlang ako ng ahas, kaya ako kuma­in.”

Ang hatol ng Diyos

 14 Sinabi ni Yawe-Diyos sa ahas:
“Dahil sa ginawa mong ito, ikaw ang susumpain sa lahat ng maba­bangis na hayop at iba pang mga hayop! Gaga­pang ka at kakain ng alikabok sa lahat ng araw ng iyong buhay!

15 Pagkakagalitin ko kayo, ikaw at ang babae, ang iyong supling at ang kan­yang supling – dudurugin nito ang ulo mo, at tutuklawin mo ang kanyang sakong.”

16 Sinabi naman niya sa babae:
“Daragdagan ko ang iyong paghi­hirap sa pagdadalantao, at manganganak ka sa sakit. Kakailanganin mo ang iyong asa­wa, at siya ang makapangya­yari sa iyo.”

17 Sa lalaki ay sinabi niya:
“Dahil nakinig ka sa babaeng asawa mo, at kinain mo ang bunga ng puno na ipinagbawal ko sa iyong kanin, sumpain ang lupa dahil sa iyo! Pag­hihirapan mo ang iyong kakanin sa buong buhay mo. 18 Sa paghahanap mo ng gulay sa pa­rang, mga tinik at dawag ang isisibol ng lupa para sa iyo. 19 Sa pawis ng noo mo mang­gagaling ang tinapay na iyong ka­­kanin hang­gang magbalik ka sa pu­tik yamang doon ka kinuha, sapagkat ikaw ay ala­bok at sa alabok ka babalik.”

20 Pinangalanang “Eva” ng lalaki ang babaeng asawa niya, sapagkat siya ang ina ng lahat ng nabubuhay. 

21 Gu­mawa si Yawe-Diyos ng mga damit na katad para sa lalaki at sa babaeng asa­wa nito, at di­na­mitan niya sila. 22 At sinabi ni Yawe-Diyos: “Naging tulad na ng isa sa atin ang Tao, na marunong ku­m­i­lala sa mabuti at sa masama. Hindi niya dapat abutin at pitasin pati ang bunga ng Puno ng Buhay, at kainin iyon at mabuhay habang pana­hon.”

23 Kaya pinalayas siya ni Yawe-Diyos sa hardin ng Eden upang maglinang sa lu­pang pinagmulan niya. 24 At nang ma­pa­layas na ang Tao, naglagay ang Diyos ng mga kerubin at ng isang sumisik­lab na tabak na nag-aapoy sa silangan ng hardin ng Eden upang bantayan ang daang patungo sa Puno ng Buhay.


Share

Comments