Homiliya Sa Pagsisimula ng Kuwaresma 2017 ni Obispo Buenaventura



Noong nakaraang taon, nagdiwang tayo ng Panahon ng Adviento na sinundan ng Panahon ng Pasko. Masaya nating ipinagdiwang ang kapanganakan ni Jesus.

Ngayon nagsisimula tayo ng Panahon ng Kuwaresma. Malaki ang agwat ng kaligayahan ng Pasko at kalungkutan ng Kuwaresma. Ang totoo, ang dalawang ito ay magkadugsong at hindi magkahiwalay. Sa Pasko, ipinagdiwang natin ang kapanganakan ni Jesus bilang ating manunubos. Sa Kuwaresma isinasakatuparan na ni Jesus ang pagiging manunubos. Siyempre sa Kuwaresma naroon ang kalungkutan pero may dahilan ito.

Sa kuwaresma, hinaharap natin ang katotohanan bilang tao na makasalanan. Ano ang kahulugan ng pagiging makasalanan? Malayo sa Diyos, sumuway sa Diyos, nagtakwil sa Diyos. Kung inilalayo, kung sumusuway, kung itinatakwil natin ang bukal ng lahat ng kabutihan, katotohanan, kaligayahan, pag-ibig at kapayapaan saan tayo napupunta? Sa kasamaan, kasinungalingan, sa kapighatian, sa pagkamuhi at kaguluhan. Tayo ay nahihirapan, naguguluhan, nasasaktan. Kung anu-ano ang ating pinag-gagawa, kung anu-ano ang lugar na ating pinupuntahan, kung sinu-sino ang ating kinakasama at kinakaibigan pero nananatili ang pagiging hungkag, bitin, plastic, takot, lito at galit sa sarili at sa mundo. Kailangan nating bumalik sa Diyos. Kailangan nating mailigtas mula sa ating pagkakasala, kailangan natin matubos sa kamatayan. Yan ang binibigyan natin ng pansin ngayong panahon ng Kuwaresma.

Sa unang pagbasa narinig natin ang paanyaya: “Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos. Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa, mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako; laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.” Itong awa at habag ng Diyos ay iniaalok ng Simbahan sa mga makasalanan kaya mayroon sa mga parokya na kumpisalang bayan. Sa ganitong gawain mayroong bumabalik sa pag-ibig at habag ng Diyos matapos ang mahabang panahon ng pagkakasala. Paanong tatanggihan ng Diyos ang puso na ayon sa Salmo Responsorio ay nagsusumamo ng ganito: “Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos, sang-ayon sa iyon kagandahang-loob; mga kasalanan ko’y iyong pawiin, ayon din sa iyong pag-ibig sa akin! Linisin mo sana ang aking karumhan at ipatawad mo yaring kasalanan.” At sa pusong nagsisisi, nagpapakumbaba at nangangakong magbabagong-buhay, kaagad ay ipinagkakaloob ang habag at pagpapatawad ng Diyos mula sa kamay ng pari. Bago magkumpisal, mukhang pasan-pasan ang mundo, matapos tanggapin ang absolusyon nagiging magaan ang mukha taglay ang lakas at pag-asa na kaya niyang magbagong-buhay sa tulong at awa ng Diyos.

Sa ikalawang pagbasa ipinakikilala sa atin ang naging gampanin ni Jesus, ang ating mananakop at tagapagligtas. Narinig natin na binasa: “Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.” Hindi dapat danasin ni Jesus ang mga kalungkutan, kaguluhan, pagkapoot, takot at kamatayan na bunga ng pagkakasala. Subalit inako niya ang ating mga kasalanan kaya siya naghirap. Ang paghihirap na tayo sana ang magbata ay kanyang niyakap. Ang kamatayan natin ay kanyang dinanas. Siya ay muling binuhay ng Ama at isinama tayo sa kanyang muling pagkabuhay. Kinuha niya ang kasalanan natin bilang tao upang ibahagi naman sa ating ang kanyang kaluwalhatian bilang Diyos. Kaya ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: “Huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos.” Gamitin natin ang pagkakataon upang maging banal sa harapan ng Diyos.

Paano ba maging banal sa harapan ng Diyos? Ang abo sa ating noo ay simula ng pagiging banal. Dalawa ang pagpipilian ng pari na sasabihin habang nagpapahid ng abo: Una “Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan.” Ito ay pagpapaala-ala ng ating simula at wakas. Mula sa alabok at babalik sa alabok. Sa ating ganang sarili pagkatapos ng ating kamatayan ang ating katawan ay maaagnas at babalik sa lupa. Wala tayong patutunguhan. Ang ikalawa na maaaring sabihin sa pagpahid ng abo: “Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya.” Kung ayaw nating bumalik sa alabok kailangan nating iwanan ang pagkakasala, magbagong-buhay hindi ayon sa ating sariling gusto kundi ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay nasasaad sa Mabuting Balita. Ang Mabuting Balita ay Salita ng Diyos. Ito ang magbibigay sa atin ng gabay at liwanag tungo sa pagbabalik sa Diyos. Ang pagbabagong-buhay ay pagpapakatotoo bilang anak ng Diyos. Ang Ebanghelyo na ating narinig ay bumabanggit ng maling paraan ng pamumuhay: pakitang-tao lamang. Ano ang pakitang-tao? Iba ang ipinakikita sa labas at iba ang katotohanan sa loob. Ang tawag sa kanila ni Jesus ay mapagbalat-kayo, mapag-paimbabaw, hipokrito. Si Papa Francisco ay may paglalarawan tungkol sa mga hipokritong Katoliko. Sabi niya, nakakaiskandalo ang magsalita ng isang bagay at gumawa naman ng iba. Ito ay doble-kara. Ayon sa kanya, may taong nagsasabi na siya ay mabuting Katoliko, laging sumisimba, kasapi ng organisasyon ng Simbahan, pero dapat sabihin din ng taong ito na ang buhay niya ay hindi maka-Kristiyano, hindi nagbibigay ng sapat na sahod sa kanyang mga empleyado, pinagsasamantalahan ang kapwa, marumi ang hanap-buhay at negosyo. May mga tao tuloy na nagsasabi, “Kung yang taong iyan ay isang Katoliko, mas mabuti pa sa kanya ang isang taong hindi sumasampalataya sa Diyos.”

Ang Kuwaresma ba ay hanggang kalungkutan na lamang? Hindi. Inaalis lamang natin ang ugat ng kalungkutan, pagdadalamhati at kamatayan. Inilalapit lamang natin ang sarili sa Diyos. Nahihirapan tayo dahil sa ating katamaran na magbagong-buhay. Nasanay na kasi tayo sa mali kaya mahirap gumawa ng tama. Kaya kailangan natin ang pagsusumikap. Isa sa mga paraan ay ang pag-aayuno. Ito ay tumutulong na sugpuin ang ating masasamang hilig at ingatan ang kalayaan ng ating puso. Gayundin naman nagiging mas makahulugan ang pag-aayuno kung ang salaping inilalaan para sa pansariling hapag ay ibinibigay para sa hapag ng mga nagugutom, lalo na ang mga batang walang makain. Ang second collection ngayong misa ay para sa mga batang ganito. Simula noong 2006 tayo dito sa Diyosesis ng San Pablo ay nakapagpakain na ng 18,266 na mga bata. Mahirap pero nagbubunga ng buhay na ganap at kasiya-siya dito sa lupa at magdadala sa buhay na walang hangggan kasama ng Diyos sa kabila.

Kaya harapin natin ang panahon ng kuwaresma nang may kabukasan ng loob, katatagan ng pasiya at pagsabay kay Jesus sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan sa krus para sa atin. Hindi tayo mabibigo. Mararanasan natin ang pakikihati sa kaligayahan ni Jesus sa pagdiriwang natin ng Pasko ng muling pagkabuhay. At ang kaligayahang ito ay magpapatuloy hanggang sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan. Pagpalain nawa tayong lahat ng Diyos.


+Buenaventura M. Famadico
Lingkod-Pastol ng San Pablo


Share

Comments