Posts

Showing posts with the label lingkod

Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11

Image
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11 Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo. Ang mga paghandog, pati mga hain, at mga hayop na handang sunugin Hindi mo na ibig sa dambana dalhin, upang yaong sala’y iyong patawarin; sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin. Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo. Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto; nasa Kautusan ang mga turo mo. Ang nais kong sundi’y iyong kalooban; aking itatago sa puso ang aral.” Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo. Ang pagliligtas mo’y aking inihayag saanman magtipon ang ‘yong mga anak; di ako titigil ng pagpapahayag. Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo. Ang pagliligtas mo’y ipinagsasabi, di ko inilihim sa aking sarili; pati pagtulong mo’t pag-ibig na tapat, sa mga lingkod mo’y isinisiwalat. Tugon: Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.

Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20

Image
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20 Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin. Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon, purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion. Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat, ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas. Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin. Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo, bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo. Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad, dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat. Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin. Kay Jacob n’ya ibinibigay ang balita at pabilin, ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel. Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa, pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda. Purihin ang Panginoon! Tugon: Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.

Salmo 78, 8. 9. 11 at 13

Image
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13 Tugon: Panginoon, aming hiling: patawad sa sala namin. Huwag mong parusahan kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang, ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw. Tugon: Panginoon, aming hiling: patawad sa sala namin. Mahabag ka sana, kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas, dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat. Tugon: Panginoon, aming hiling: patawad sa sala namin. Iyong kahabagan ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing, sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin. Kaming iyong lingkod, lingkod mo kaming parang mga tupa sa iyong pastulan, magpupuring lagi’t magpapasalamat sa iyong pangalan! Tugon: Panginoon, aming hiling: patawad sa sala namin.

Mateo 12:14-21

Image
Umalis naman ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus. Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. 17 Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias, "Narito ang lingkod ko na aking hinirang, ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan; ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu, at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa. Hindi siya makikipag-away o makikipagsigawan, ni magtataas ng boses sa mga lansangan, hindi niya puputulin ang tambong marupok, hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap, hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap; at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak."