Sabado - Nobyembre 19, 2011,Ika-33 na Ordinaryong Linggo

Sabado - Nobyembre 19, 2011      Ika-33 na Ordinaryong Linggo


Unang Pagbasa                            1 Macabeo 6: 1-13

Ang Pagkamatay ni Haring Antioco IV
               1 Minsa'y naglalakbay ang Haring Antioco IV sa mga lalawigan sa loob ng bansa. Nabalitaan niya na ang Elymas sa Persia ay kilala dahil sa dami ng pilak at ginto. 2 Ang templo nito ay napakayaman at may mga gintong helmet, kasuotang bakal, at mga sandata. Ang mga ito ay iniwan doon ni Alejandrong anak ni Haring Felipe ng Macedonia, ang kauna-unahang hari sa Grecia. 3Sa paghahangad ni Antiocong matamo ang mga kayamanang ito, binalak niyang lusubin ang lunsod. Ang balak na ito ay umabot sa kaalaman ng mga tagaroon. Nabigo ang kanyang plano, 4 sapagkat nilabanan siya ng mga tagaroon. Malungkot siyang umatras at nagbalik sa Babilonia.

               5 Nasa Persia ang Haring Antioco nang may magbalita sa kanya na nasindak at umatras ang mga hukbong pinasalakay sa Judea. 6 Nabalitaan din niya na si Lisias at ang malaking hukbo nito ay napaatras din ng mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita'y bantog na sa lakas dahil sa nabihag nilang mga tauhan at kagamitan ng mga hukbong kanilang nalupig. 7 Umabot din sa kaalaman niya na inalis na ang tinatawag niyang "Kalapastanganang Walang Kapantay" na inilagay niya sa altar sa Jerusalem at ang Templo ay pinaligiran ng mataas na pader; pati ang kanyang lunsod ng Beth-sur ay nilagyan ng pader.
               8 Sa mga balitang ito'y natakot ang hari at lubhang nabahala. Dahil sa kanyang mga kabiguan siya'y nagkasakit. 9 Maraming araw na nanaig sa kanya ang matinding kalungkutan, hanggang sa maramdaman niyang malapit na siyang mamatay. 10 Dahil dito, tinawag niya ang lahat niyang mga kaibigan at ganito ang sinabi, "Matagal na akong hindi makatulog dahil sa pag-aalala. 11Naitatanong ko sa aking sarili kung bakit ko dinaranas ang ganitong kahirapan. Alam naman ninyong hindi ako mahigpit sa aking pamamahala. 12 Ngunit naalala ko ang aking masamang ginawa sa Jerusalem. Inalis kong lahat ang mga kagamitang pilak at ginto sa Templo, at ipinapatay ko ang mga mamamayan ng Judea ng walang sapat na dahilan. 13 Alam kong ito ang dahilan ng aking mga paghihirap. Ngayon, ako'y mamamatay sa ibang lupain."

Salmo                                        Awit 9: 2-19

2 Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,

pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.

3 Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,

sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.

4 Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,

matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.

5 Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;

binura mo silang lahat sa balat ng lupa.

6 Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,

ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.

7 Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,

itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.

8 Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,

hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.

9 Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,

matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.

10 Nananalig sa iyo Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,

dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.

11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,

sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!

12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,

mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.

13 O Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,

masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,

14 upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.

Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.

15 Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila;

sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila!

16 Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala,

at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion, Selah )

17 Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos,

pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos.

18 Hindi habang panahong pababayaan ang dukha;

hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita.

19 Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao!

Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo

Ebanghelyo (Gospel)                      Lucas 20: 27-40

Katanungan Tungkol sa Muling Pagkabuhay
               27 Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. 28 Sabi nila, "Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, 'Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.' 29 Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?"
               34 Sumagot si Jesus, "Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang 'Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.' 38Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sa kanya'y buhay ang lahat."
               39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, "Guro, maganda ang sagot ninyo!" 40At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.


Share

Comments