Miyerkules - Nobyembre 30, 2011,Unang linggo ng Adbiyento (Andres, Apostol)

Miyerkules - Nobyembre 30, 2011    Unang linggo ng Adbiyento (Andres, Apostol)


Unang Pagbasa                               Roma 10: 9-18


               9 Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay pinapawalang-sala ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi nga ng kasulatan, "Walang sinumang sumasampalataya sa kanya ang mapapahiya." 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil sinasabi sa kasulatan, "Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon."
               14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, "O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga may dalang Magandang Balita!" 16 Ngunit hindi lahat ay tumanggap sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, "Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?" 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.
               18 Subalit ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat,
"Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig."

Salmo                                          Awit 19: 8-11

8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.

9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,

magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

Ebanghelyo (Gospel)                      Mateo 4: 18-22
Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda
               18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao." 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.
               21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.


Share

Comments