Genesis 6

Mga anak ng Diyos at mga anak ng tao

  6  1 Nang magsimulang dumami ang tao sa lupa at nagkaroon sila ng mga anak na babae, 2 napansin ng mga anak na lalaki ng Diyos na magaganda ang mga anak na babae ng tao. At kinuha nila bilang asawa ang sinu­mang mapusuan nila. 3 Sinabi ni Yawe: “Hindi habang panahong mananatili ang aking espi­ritu sa tao sapagkat siya nga­yo’y laman na lamang. Hanggang isandaa’t dala­wam­pung taon lamang aabot ang kanyang buhay.” May mga higante sa lupa nang panahong iyon at maging pag­ka­raan noon, nang makipisan ang mga anak ng Diyos sa mga anak na babae ng tao at nag­ka­anak sa mga ito. Sila ang mga bayani ng nag­daang panahon, ang mga tanyag na tao.

Ang baha

 5 Nakita ni Yawe na labis na ang kala­pas­tanganan ng mga tao sa lupa at wala nang laman ang puso kundi kasamaan sa lahat ng araw. 6 Pinagsisihan ni Yawe kung bakit nilikha pa niya ang tao sa daigdig at nasaktan ang kanyang kalooban. 7 At sinabi niya: “Lilipulin ko sa balat ng lupa ang taong nilikha ko, mula sa tao hang­gang sa mga hayop, sa mga gumagapang sa lupa at sa mga ibon sa langit. Pinag­si­sisihan ko ang pagkalalang sa kanila.”

8 Ngunit kasiya-siya si Noe sa mata ni Yawe.

9 Ito ang kasaysayan ni Noe. Sa kanyang kapanahunan, matuwid si Noe, at walang kapintasan – at kapiling niya ang Diyos. 10 May tatlong anak na lalaki si Noe: sina Sem, Kam at Yafet.
11 Labis na ang sama ng daigdig sa paningin ng Diyos at laganap ang kara­hasan. 12 Nakita ng Diyos ang kasamaan ng daigdig dahil nagpaka­sama-sama na ang mga tao sa lupa. 13 Sinabi ng Diyos kay Noe: “Naipasya ko nang lipulin ang lahat ng tao sapagkat napuno ng karahasan ang lupa dahil sa kanila. Kaya papawiin ko sila pati na ang lupa.

14 At ikaw, gumawa ka ng daong na yari sa kahoy na sipres. Gumawa ka ng mga silid sa daong at pintahan ng alkitran ang loob at labas. 15 Ganito ang iyong gagawin: apatnaraa’t limampung talampakan ang haba ng daong, pitumpu’t limang talam­pakan naman ang lapad, at apat­napu’t limang talampakan ang taas. 16 Bubungan mo iyon at mag-iwan ka ng labingwalong pulgadang pagitan mula sa daong. Lagyan mo ng pinto sa tabi at gumawa ka ng tatlong palapag.

17 Pababahain ko ang tubig sa lupa para lipulin ang lahat ng humihinga at nabu­buhay sa silong ng langit. Mamamatay ang lahat sa balat ng lupa. 18 Ngunit sa iyo pagtitibayin ang aking pakikipagtipan. Ikaw at ang iyong mga anak kasama ang iyong asawa at ang kani-kanilang mga asawa ay papasok sa daong. 19 At papasok na kasama mo sa daong ang dalawa ng bawat buhay na nilalang, tig-isang lalaki at babae, at panatilihin silang buhay kasama mo. 20 Mula sa bawat uri ng mga ibon at mga hayop at mga gumagapang sa lupa, tig-iisang pares ng mga ito ang kasama mong papasok sa daong, at panatilihing buhay na kasama mo. 21 Kumuha ka ng lahat ng uri ng pagkain at iimbak ang mga ito para sa iyo at sa kanila.” 22 At ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.

 

Share

Comments