7 1 Sinabi ni Yawe kay Noe: “Pumasok ka sa daong, ikaw at ang iyong pamilya, sapagkat ikaw lamang ang nakita kong matuwid sa salinlahing ito. 2 Magsama ka ng pitong pares mula sa bawat uri ng malilinis na hayop, tig-isang lalaki at babae, at tigdadalawa mula sa bawat uri ng di-malilinis na hayop, tig-isang barako at inahin. 3 Gayundin sa mga ibon sa langit, tigpipitong pares mula sa bawat uri upang magkaroon ng bagong buhay sa daigdig. 4 Sapagkat sa loob ng pitong araw, apatnapung araw at apatnapung gabi kong pabubuhusin ang ulan sa lupa. Papawiin ko sa balat ng lupa ang lahat ng maybuhay na nilikha ko.”
5 At ginawa ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ni Yawe. 6 Animnaraang taon si Noe nang dumating ang Malaking Baha sa lupa.
7 Kaya pumasok si Noe sa daong, kasama ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, ang asa-asawa ng kanyang mga anak upang maligtas sa tubig ng baha.
8 Pumunta naman kay Noe ang malilinis na hayop pati ang di-malilinis, ang mga ibon at lahat ng gumagapang sa lupa; 9 pares-pares silang pumasok sa daong, lalaki at babae, gaya ng iniutos ng Diyos kay Noe. 10 At pagkaraan ng pitong araw, nakalubog na ang lupa sa baha.
11 Sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan sa ikaanimnaraang taon ng buhay ni Noe, bumulwak ang lahat ng bukal sa kailalim-ilaliman at nabuksan ang mga bintana ng langit. 12 At apatnapung araw at apatnapung gabing bumuhos ang ulan sa lupa. 13 Nang araw ding iyon, pumasok sa daong si Noe, kasama ang kanyang mga anak na lalaking sina Sem, Kam at Yafet, ang kanyang asawa at mga manugang. 14 Kasama rin nilang pumasok sa daong ang lahat ng uri ng mababangis na hayop, lahat ng iba pang hayop, ng mga gumagapang sa lupa at lahat ng uri ng mga ibon, at lahat ng kulisap na may pakpak. 15 Pares-pares na sumama kay Noe sa loob ng daong ang lahat ng may hininga at maybuhay. 16 At sumama ang mga ito, lalaki at babae mula sa bawat uri, ayon sa iniutos ng Diyos.
Pagkatapos ay isinara ni Yawe ang pinto sa likod ni Noe. 17 Apatnapung araw na bumaha sa lupa. Tumaas ang tubig at itinaas nito ang daong sa ibabaw ng lupa.
18 Patuloy na tumaas ang tubig sa lupa at lumutang ang daong sa ibabaw ng tubig. 19 Tumaas pa nang tumaas ang tubig at lumubog ang lahat ng matataas na bundok sa buong silong ng langit. 20 Tumaas ang tubig at inilubog ang mga bundok sa lalim na higit sa dalawampung talampakan. 21 Namatay ang lahat ng maybuhay na gumagalaw sa lupa: mga ibon, mga mababangis na hayop at iba pang mga hayop, lahat ng gumagala sa lupa, at lahat ng Tao.
22 Namatay ang lahat ng mayhininga sa ibabaw ng lupa. 23 Nalipol ang lahat ng nabubuhay sa balat ng lupa – tao at hayop, mga gumagapang sa lupa, at mga ibon sa langit – ang lahat ay napawi sa balat ng lupa. Si Noe lamang at lahat ng kasama niya sa daong ang natira. 24 Isandaa’t limampung araw na bumaha ang tubig sa lupa.
Comments
Post a Comment