Miyerkules - Enero 4, 2012
Genesis 8–10
Wala nang Baha
1 Hindi nawaglit sa isipan ng Diyos si Noe at ang lahat ng hayop na kasama niya sa malaking barko. Kaya't pinaihip niya ang hangin, at nagsimulang humupa ang tubig. 2 Huminto ang mga bukal at tumigil ang pagbuhos ng ulan. 3 Patuloy na humupa ang tubig, at pagkaraan ng 150 araw ay mababa na ang baha. 4 Sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat noong ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan. 5 Patuloy ang paghupa ng tubig at nang unang araw ng ikasampung buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok.
6 Pagkalipas ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng barko na kanyang ginawa. 7 Pinalipad niya ang isang uwak at ito'y nagpabalik-balik hanggang matuyo ang tubig sa lupa. 8 Pagkatapos nito, pinalipad naman niya ang isang kalapati upang tingnan kung wala nang tubig. 9 Palibhasa'y laganap pa ang tubig, hindi makalapag ang kalapati, kaya't nagbalik ito at muling ipinasok ni Noe sa barko. 10 Pitong araw pang naghintay si Noe, at pagkatapos ay muli niyang pinalipad ang kalapati. 11 Pagbalik nito kinagabihan, ito'y may tangay nang sariwang dahon ng olibo. Kaya't natiyak ni Noe na kati na ang tubig. 12 Nagpalipas ng pitong araw si Noe saka pinalipad muli ang kalapati. Hindi na ito nagbalik.
13 Noon ay 601 taong gulang na si Noe. Nang unang araw ng unang buwan, inalis ni Noe ang takip ng barko at nakita niyang natutuyo na ang lupa. 14 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan, tuyung-tuyo na ang lupa.
15 Sinabi ng Diyos kay Noe, 16 "Lumabas ka na sa barko kasama ng iyong asawa, mga anak at mga manugang. 17 Palabasin mo na rin ang lahat ng mga hayop na kasama mo---maamo at mailap, gumagapang at lumalakad sa lupa, at pati ang mga ibon. Hayaan mo silang dumami at manirahan sa buong daigdig." 18 At lumabas na nga si Noe at ang kanyang asawa, mga anak at mga manugang. 19 Gayundin, sunod-sunod na lumabas ang lahat ng hayop, mailap at maamo, lahat ng gumagapang at lumalakad, pati ang mga ibon ayon sa kani-kanilang uri.
Naghandog si Noe
20 Si Noe ay nagtayo ng altar para kay Yahweh. Kumuha siya ng isa sa bawat malinis na hayop at ibon, at sinunog bilang handog. 21 Nang maamoy ni Yahweh ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa sarili, "Hindi ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao bagama't alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi ko na lilipuling muli ang anumang may buhay kagaya ng ginawa ko ngayon.
22 Hanggang naririto't buo ang daigdig,
tagtanim, tag-ani, palaging sasapit;tag-araw, tag-ulan, tag-init, taglamig,
ang araw at gabi'y hindi mapapatid."
Nakipagtipan ang Diyos Kay Noe
1 Si Noe at ang kanyang mga anak ay binasbasan ng Diyos: "Magkaroon kayo ng maraming anak at punuin ninyo ng inyong supling ang buong daigdig. 2 Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan. 3 Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito'y maaari na ninyong kainin. 4 Huwag lamang ninyong kakainin ang karneng hindi inalisan ng dugo sapagkat nasa dugo ang buhay. 5 Mananagot ang sinumang papatay sa inyo, maging ito'y isang hayop. Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa.
6 Sinumang pumatay ng kanyang kapwa,
buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa,
sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha.
7 "Magkaroon nga kayo ng maraming anak upang manirahan sila sa buong daigdig."
8 Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, 9 "Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, 10 gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo---sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. 11 Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig." 12 Sinabi pa ng Diyos, "Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: 13 Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. 14 Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa."
17 At sinabi ng Diyos kay Noe, "Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa."
Si Noe at ang Kanyang mga Anak
18 Ang mga anak ni Noe na kasama niyang lumabas sa barko ay sina Shem, Jafet at Ham na ama ni Canaan. 19 Ang tatlong ito ang pinagmulan ng lahat ng tao sa daigdig.
20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang kauna-unahang nagbukid ng ubasan. 21 Minsan, uminom siya ng alak at nalasing. Nakatulog siyang hubad na hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Sa gayong ayos, nakita siya ni Ham ang ama ni Canaan at ibinalita ito sa kanyang mga kapatid. 23 Kaya't kumuha sina Shem at Jafet ng balabal, iniladlad sa likuran nila at magkatuwang na lumakad nang patalikod patungo sa tolda. Tinakpan nila ang katawan ng kanilang ama. Ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang mawala na ang kalasingan ni Noe, at malaman ang ginawa ng bunsong anak, 25 sinabi niya:
"O ikaw, Canaan, ngayo'y susumpain,
sa mga kapatid mo ika'y paaalipin."
26 Sinabi rin niya,
"Purihin si Yahweh, ang Diyos ni Shem,
itong si Canaa'y maglilingkod kay Shem.
27 Palawakin nawa ng Diyos ang lupain ni Jafet.
Sa lahi ni Shem, sila'y mapipisan,
at paglilingkuran si Jafet nitong si Canaan."
28 Si Noe ay nabuhay pa nang 350 taon pagkatapos ng baha, 29 kaya't umabot siya sa gulang na 950 taon bago namatay.
Ang mga Angkan ng mga Anak ni Noe
1 Ito ang kasaysayan ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet pagkatapos ng baha.
2 Ang mga anak na lalaki ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. 3 Sina Askenaz, Rifat at Togarma ang mga anak na lalaki ni Gomer. 4 Ang kay Javan naman ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Rodanim. 5 Ito ang mga anak at apo ni Jafet. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa baybay-dagat at mga pulo. Bawat isa'y nagkaroon ng sariling lupain at wika.
6 Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan. 7 Sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca ang mga anak na lalaki ni Cus. Ang kay Raama naman ay sina Saba at Dedan. 8 Si Nimrod, isa pang anak na lalaki ni Cus, ang kauna-unahan sa daigdig na naging dakila at makapangyarihan. 9 Siya rin ang pinakamahusay na mangangaso dahil sa tulong ni Yahweh, kaya may kasabihang: "Maging mahusay ka sanang mangangaso tulad ni Nimrod, sa tulong ni Yahweh." 10 Kabilang sa kauna-unahang kaharian na sakop niya ang Babilonia, Erec at Acad, pawang nasa lupain ng Sinar. 11 Mula rito'y pumunta siya sa Asiria at itinatag ang mga lunsod ng Nineve, Rohobot-ir, Cale 12 at ang Resen sa pagitan ng Nineve at Cale, ang pangunahing lunsod.
13 Si Egipto ang ama ng mga taga-Lud, Anam, Lehab at Naftuh, 14 gayon din ng mga taga-Patrus, Casluh at Caftor na pinagmulan ng mga Filisteo.
15 Ang panganay ni Canaan ay si Sidon na sinundan ni Het. 16 Kay Canaan din nagmula ang mga Jebuseo, Amoreo, Gergeseo, 17 Hivita, Araceo, Sineo, 18 Arvadeo, Zemareo at Hamateo. Simula noon, kung saan-saan nakarating ang mga Cananeo. 19 Mula sa Sidon, ang kanilang hangganan sa gawing timog ay umabot sa Gerar na malapit sa Gaza. Sa gawing silangan naman, umabot sila sa Sodoma, Gomorra, Adma at Zeboim na malapit sa Lasa. 20 Ito ang lahi ni Ham na nanirahan sa iba't ibang lupain at naging iba't ibang bansa na may kani-kanilang wika.
21 Si Shem, ang nakatatandang kapatid ni Jafet, ang pinagmulan naman ng lahi ni Heber. 22 Ang kanyang mga anak ay sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram. 23 Ang mga anak naman ni Aram ay sina Uz, Hul, Geter at Mas. 24 Si Arfaxad ang ama ni Selah na ama naman ni Heber. 25 Dalawa ang anak ni Heber: ang isa'y tinawag na Peleg, sapagkat noong panahon niya ay nagkahiwa-hiwalay ang mga tao sa daigdig; ang kapatid niya ay si Joctan. 26 Si Joctan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jerah, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila at Jobab. Sila ang mga anak na lalaki ni Joctan. 30 Mula sa Mesha hanggang Sefar sa kaburulan sa silangan ang lawak ng kanilang lupain. 31 Ito ang lahi ni Shem ayon sa kani-kanilang angkan, wika at bansa.
32 Ito ang mga bansang nagmula sa mga anak ni Noe mula sa kanilang mga angkan. Sa kanila nagmula ang lahat ng bansa na lumaganap sa buong daigdig pagkatapos ng baha.
Awit 4
Panalangin sa Gabi
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng instrumentong may kuwerdas.
1 Sagutin mo po ang aking pagtawag,
O Diyos, na aking kalasag!
Sa kagipitan ko, ako'y iyong tinulungan,
kaawaan mo ako ngayon, dalangin ko'y pakinggan.
2 Kayong mga tao, hanggang kailan ninyo ako hahamakin?
Ang walang kabuluhan at kasinungalingan,
hanggang kailan ninyo iibigin? (Selah)
3 Dapat ninyong malamang itinalaga ni Yahweh ang matuwid,
kapag tumatawag ako sa kanya, siya'y nakikinig.
4 Huwag hayaang magkasala ka nang dahil sa galit;
sa iyong silid, pag-isipa't ika'y manahimik. (Selah)
5 Nararapat na handog, inyong ialay,
pagtitiwala n'yo'y kay Yahweh ibigay.
6 Tanong ng marami, "Sinong tutulong sa atin?"
Ikaw, O Yahweh ang totoong mahabagin!
7 Puso ko'y iyong pinuno ng lubos na kagalakan,
higit pa sa pagkain at alak na inumin.
8 Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing,
pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.
Lucas 7:1-17
Pinagaling ang Alipin ng Kapitang Romano
1 Nang matapos turuan ni Jesus ang mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. 2 Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. 3 Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. 4 Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, "Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo 5 sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga."
6 Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: "Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, 7 ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking alipin. 8 Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, 'Pumunta ka roon!' pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, 'Halika!' siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, 'Gawin mo ito!' ginagawa niya iyon."
9 Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, "Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya."
10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.
Muling Binuhay ang Anak ng Isang Biyuda
11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming nakikipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, "Huwag ka nang umiyak." 14 Nilapitan niya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay at tumigil naman ang mga may pasan nito. Sinabi niya, "Binata, makinig ka sa akin, bumangon ka!"
15 Naupo ang binata at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.
16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, "Dumating sa kalagitnaan natin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!"
17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.
Comments
Post a Comment