Sabado - Enero 7, 2012,Bago Mag-Epifania (Raymundo ng Penafort)

Sabado - Enero 7, 2012 Bago Mag-Epifania (Raymundo ng Penafort)


Unang Pagbasa 1 Juan 5:14-21
14 Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. 15 At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.

16 Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa kanya ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. 17 Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.

18 Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Jesu-Cristo, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo.

19 Alam nating tayo'y mga anak ng Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.

20 At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.

21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.



Salmo Awit 149:1-9
Awit ng Pagpupuri
1 Purihin si Yahweh!
O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,
purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya.


2 Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa.

3 Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.

4 Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,
sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.

5 Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan.

6 Papuri sa ating Diyos, ipahayag nang malakas,
hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas,

7 upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan,
at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.

8 Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin,
sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin,

9 upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda.
Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala.
Purihin si Yahweh!


Ebanghelyo (Gospel) Juan 2:1-11
Ang Unang Himala ni Jesus
1 Pagkalipas ng dalawang araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3 Kinapos ng handang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, Anak, naubusan sila ng alak.


4 Sinabi ni Jesus, Huwag po ninyo akong pangunahan, Ginang. Hindi pa po ito ang tamang panahon.

5 Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.


6 May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng pitumpu't lima hanggang 115 litro. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. 7 Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.

At pinuno nga nila ang mga banga. 8 Pagkatapos, sinabi niya, Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.


Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan, at 9 tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!

11 Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kapangyarihan at nanalig sa kanya ang mga alagad.



Share

Comments