Genesis 4

Cain at Abel

4   1 Nakipagtalik ang Tao sa kanyang asawang si Eva; naglihi si Eva at ipina­nganak niya si Cain – sapagkat si­nabi niyang “Nagkamit ako ng isang lala­ki sa tulong ni Yawe.”

Pagkatapos, isinilang niya si Abel na kapatid ni Cain. Isang pastol ng mga tupa si Abel, at magsasaka naman si Cain.

Pagkaraan ng ilang panahon, nag­handog si Cain kay Yawe ng mga ani ng lupa. At naghandog din si Abel: inialay niya ang mga unang anak ng kanyang kawan at sinunog ang mga taba niyon.
Nasiyahan si Yawe kay Abel at sa handog nito, pero hindi siya nasi­yahan kay Cain at sa handog nito. Ikinagalit na lubha ito ni Cain at siya’y nalungkot. At sinabi ni Yawe kay Cain: “Bakit ka galit at malungkot? Kung gagawa ka ng mabuti, ika’y mama­butihin. Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, nag-aabang sa pin­tuan ang kasalanan. Han­da siyang sugu­rin ka, ngunit ikaw ang dapat maka­pang­yari sa kanya.”

Sinabi ni Cain sa kanyang kapatid na si Abel: “Lumabas tayo sa bukid.” Nang naroon na sila, sinugod ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel at pinatay.

Sinabi ni Yawe kay Cain: “Nasaan ang kapatid mong si Abel?” Sumagot siya: “Hindi ko alam. Ako ba ang taga­pag-alaga ng aking kapatid?”

10 Sinabi ni Yawe: “Ano ang ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid. 11 Kaya sum­pain ka at lumayas ka sa lupang ito na bumuka upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid na pinadanak ng iyong kamay. 12 Bungkalin mo man ang lupa, hindi na ito magbubunga pa para sa iyo. Magiging lagalag ka na lumala­boy sa balat ng lupa.”

13 Sinabi ni Cain kay Yawe: “Hindi ko kaya ang parusa sa akin! 14 Pinalalayas mo ako ngayon sa lupang ito, matatago ako sa iyong harapan. Magiging pala­boy ako at maglalagalag sa balat ng lupa, at papatayin ako ng sinumang makakita sa akin.” 15 Sinabi ni Yawe sa kanya: “Kung gayon, kapag may pu­ma­tay kay Cain, makapitong beses na ipag­hihiganti si Cain.” At tinatakan ni Yawe si Cain upang hindi siya patayin ng sinumang maka­kita sa kanya.

16 Lumayo si Cain mula sa harap ni Yawe, at nanirahan sa lupain ng Nod sa silangan ng Eden.

Ang mga anak nina Cain at Set

 17 Nakipagtalik si Cain sa kanyang asawa; naglihi iyon at ipinanganak si Enoc. Nagtatayo noon si Cain ng isang siyudad kaya tinawag niya iyong Enoc mula sa pangalan ng kanyang anak. 18 Nagkaanak naman ng lalaki si Enoc, si Irad. Si Irad ang naging ama ni Mavael, at si Mavael ang ama ni Metusael, at si Metusael ang ama ni Lamec.

19 Nagkaroon ng dalawang asawa si Lamec, sina Ada at Sella. 20 Isinilang ni Ada si Yabel na naging ama ng mga naninirahan sa mga tolda at nag-aalaga ng mga kawan. 21 Kapatid niya si Yubal: siya naman ang naging ama ng lahat ng tumutugtog ng lira at plauta.

22 Nagkaanak din si Sella – si Tubal-Cain na siyang panday ng lahat ng kasangkapang tanso at bakal. Kapatid na babae ni Tubal-Cain si Noema.

23 Sinabi ni Lamec sa kanyang dala­wang asawa:
“Ada at Sella, pakinggan ninyo ako,
mga asawa ni Lamec, dinggin ang aking mga salita:
sinugatan ako ng isang lalaki at pinatay ko siya,
at sinuntok ako ng isang kabataang lalaki at pinatay ko rin siya.

24 Kung pitong ulit ngang ipaghihiganti si Cain,
si Lamec nama’y pitumpu’t pitong beses.”

25 Muling nakipagtalik si Adan sa kan­yang asawa at nagsilang ito ng isang lalaki, at pina­ngalanang Set, sapagkat sinabi niya Binigyan ako ng Diyos ng lalaking kahalili ni Abel na pinatay ni Cain.”

26 Nagkaroon din ng anak na lalaki si Set na pinangalanan niyang Enos: siya ang unang tumawag kay Yawe sa ngalan niya.


  



Share

Comments