Martes - Nobyembre 22, 2011 Paghahari ni Kristo sa Sanlibutan
Unang Pagbasa Daniel 2: 31-45
31 "Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan. 32 Ang ulo nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang tiyan at mga hita nito. 33 Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong bakal at putik. 34 Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. 35 Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.
36 "Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan: 37 Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at karangalan. 38 Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon. 39 Ang susunod sa inyo ay ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong daigdig. 40 Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. 41 Ang kahulugan naman ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at putik ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal sapagkat ito'y nakahalo sa putik. 42 Ganito naman ang kahulugan ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at putik: May bahagi itong matibay at may bahagi namang marupok. 43 Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik. 44 Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman. Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan. 45 Katulad ito ng inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak ang kahulugan nito."
Salmo Daniel 3: 57-61*
57 Purihin ninyo ang Panginoon, mga balyena at lahat ng nilikhang nasa tubig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
58 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng ibon sa himpapawid;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
59 Purihin ninyo ang Panginoon, mga kawan at maiilap na hayop;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
60 "Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tao sa daigdig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
61 Purihin ninyo ang Panginoon, bansang Israel;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Ebanghelyo (Gospel) Lucas 21:5-11
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo
5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 "Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato."
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating
7 Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?"
8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako ang Cristo,' at, 'Dumating na ang panahon!' Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas." 10 At sinabi pa niya, "Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian.11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.
Comments
Post a Comment